Bea Alonzo natapyasan sa dila noong bata pa: ‘Hinimatay si Mama!’

Image via YouTube channel ni Mariel Rodriguez-Padilla

Isa sa mga kinikilala pagdating sa mahusay na pag-arte ang dating Kapamilya-turned Kapuso star na si Bea Alonzo, na tinatawag ding “Movie Queen of Her Generation.”

Hindi na mabilang ang mga pelikulang markado na sa kaniyang pagganap gaya ng “One More Chance,” “A Second Chance,” “The Mistress,” “Four Sisters and a Wedding,” “Unbreakable,” at marami pang iba.

Siyempre, hindi lamang sa pelikula umarangkada ang karera ni Bea kundi maging sa mga pinagbidahang teleserye. Hindi maitatangging pagdating sa pagbibitiw ng mga linya at diyalogo ay talaga namang kahanga-hanga si Bea.

Kaya naman, sino’ng mag-aakalang sa husay niya sa pagsasalita at pagdedeliver ng mga linya at diyalogo ay minsan na siyang natapyasan ng bahagi ng dila?

Iyan ang inamin niya sa naging “Two Truths and a Lie” challenge nila ni Mariel Rodriguez-Padilla sa vlog nito, na mapapanood sa kaniyang YouTube channel.

Click image to watch video

Batay sa ulat ng Balita, ang rule lang ng kanilang challenge, huhulaan nila sa isa’t isa kung alin sa tatlong detalye sa buhay nila ang kasinungalingan o lie.

Isa sa mga naging paksa nila ay kanilang pagkabata.

Ang ibinigay na detalye ni Bea, unang-una, mahilig siya sa kamatis, naputol ang bahagi ng dila niya dahil nadulas siya, at ninakaw niya ang alkansya ng pinsan niya.

Nasaktuhan naman ni Mariel na ang lie sa mga sinambit ni Bea ay ang pagnanakaw nito sa alkansya ng pinsan. Naniniwala umano si Mariel na hindi ito magagawa ng Kapuso star.

Kaya totoong naputulan na siya ng bahagi ng dila noon, at sumabit pa nga raw sa kaniyang ngipin!

“May kinukuha kasi ako doon sa taas ng aparador… parang pumunta ako sa chair tapos pumatong ako para kuhanin ko yung ipon ko kasi nga may bibilhin ako.”

“Tapos pagbaba ko ng chair, tumatakbo ako, nadulas ako do’n sa basahan. Tapos nakagat ko yung dila ko,” kuwento ni Bea.

Agad daw siyang lumapit sa kaniyang Mama at pinasilip dito kung may sugat ba siya sa kaniyang bibig. Hinimatay raw ang nanay niya nang makitang may tapyas sa kaniyang dila.

“Akala ko magkakaroon ako ng speech defects, pero hindi naman, thank God,” aniya pa.

Ayon sa ulat ng Balita, sa vlog ding ito ibinunyag ni Bea na may naging dating karelasyon siya na halos araw-araw siyang pinagtitimbang sa weighing scale upang malaman kung nadagdagan ba ang kaniyang timbang. hahaha