‘Nagising pa kaya?’ Babae nabuking kung ano ang pangalan niya sa cellphone ng jowa niya

Mga larawan mula sa FB ni Shaira Gail/Edgar Abarca

Nagdulot ng katatawanan ngayon ang Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Shaira Gail” matapos niyang ibahagi ang kaniyang natuklasan sa cellphone ng kaniyang jowang si “Edgar.”

Batay sa kaniyang trending na Facebook post noong Hunyo 1, hindi niya sinasadyang matuklasan na iba pala ang pangalan niya sa contacts ng cellphone ng kaniyang partner. Nakaugalian na raw niya kasing i-charge ang cellphone nito, ngunit nagkataong himbing na himbing sa pagkakatulog ang boyfriend.

Kaya ang ginawa niya, tinawagan niya ang cellphone ng jowa upang mag-ring at nang matukoy niya kung saan ito nakalagay.

Nang makita niya kung nasaan ang cellphone, nabasa niya na ang nakalagay na pangalan niya ay “Ronald Classmate.”

“Hinahanap ko cellphone niya para i-charge so minissed call ko para mag-ring tapos chanannn!” ani Shaira.

Sa sumunod na pangungusap, ibinuking ni Shaira na ganito rin ang ginawa sa kaniya ng jowa, sa ibang senaryo nga lamang. Noon daw ay ipinakilala naman siya bilang “pinsan.”

“Ang pakilala mo sakin sa babae mo pinsan mo lang ako ngayon ronald classmate na!” aniya pa.

Biro tuloy ng mga netizen, “nagising” pa raw kaya si Edgar? Paano raw ito kinompronta ni Shaira?

Ngunit ano na nga ba ang nangyari sa kanila? Umaatikabong komprontasyon ba ang nangyari?

Sa ulat ng Balita, ipinaliwanag ni Shaira ang mga nangyari matapos niyang matuklasan ang tungkol dito.

“Explanation niya, kaya Ronald Classmate nilagay n’ya kasi tawag daw ako nang tawag pag nasa labas siya especially kapag nasa inuman, para daw hindi s’ya mapahiya at asarin ng barkada, iyon naisip niya. About him? Okay naman siya nagkaroon lang kami interrogation hehe.”

Aniya pa, sanay na raw siya sa kalokohan ng kaniyang partner, dahil bago pa sila maging mag-jowa, magkaibigan muna sila.

Dati nga raw, ipinakilala siyang “pinsan” sa mga babaeng kainuman nito sa bahay, nang minsang surpresahin niya ito dahil hindi sinasagot ang kaniyang mga tawag.

Alam daw niya na kahit pilyo ang kaniyang jowa, loyal at faithful ito sa kaniya at hindi siya ipagpapalit sa ibang babae.

Naniniwala aniya siya na wala namang perpektong relasyon kaya hindi kaso sa kaniya ang matuklasang matawag siyang pinsan o classmate ng jowa sa harapan ng iba.

Sa Facebook post naman ni Edgar, ibinida pa niya ang selebrasyon nila ng anibersaryo sa isang hotel. Sa caption, mapapansing “pinsan” ang tawag niya kay Shaira.

Kaya wala raw dapat ipag-alala ang publiko dahil “nagising” at “humihinga” pa naman daw si Edgar! hahaha