
Isa ka rin bang “napapagod” na sa katatanong ng iba kung ikaw ay may anak na, o anak mo ang kasama mong bata habang namamasyal sa isang pampublikong lugar gaya ng mall?
Kung ikaw ay tito o tita, baka kagaya ka rin ng netizen na si “Mary Joy Villasquez” na laging napagkakamalang nanay na o may anak dahil madalas niyang kasa-kasama ang kaniyang pamangkin.
Kaya isang araw, napagdiskitahan ni Mary Joy na maglagay na ng paskil na “disclaimer” sa kaniyang likuran upang hindi na siya matanong tungkol dito.
“Pagod na ako sa tanong na, “Anak mo?” Kaya ako na nag-adjust. HAHAHAHAHAHA,” ani Mary Joy sa caption ng kaniyang Facebook post.
Mababasa sa likod niya ang karatulang “Tita lang po ako!”
Sa ulat ng Pilipino Star Ngayon Digital, isinalaysay ni Mary Joy ang kuwento sa likod nito.
“Actually, ako po ‘yung nakaisip na maglagay niyan sa likod ko. Bago po kasi ‘yan, may eksena po kasi na iginala ko po yung pamangkin ko sa SM Bacoor tapos noong nasa Tom’s World na po kami sa area po para sa mga bata, may mga nanay po roon na tinanong ako kung anak ko raw po ba kasi kamukha ko raw po,” salaysay ni Mary Joy sa PSND.
“Kaya po noong May 29 na nagpunta kami sa SM Bacoor, kasama po namin ang mama ko, naisip ko po na gawin ‘yan HAHAHAHAHAHA. Nakakatuwa lang po kasi after namin bumili at igala pamangkin ko, [noong] pini-picture-an ko po yung pamangkin ko sa statue ni Jollibee, narinig ko po ‘yung sinabi ng dalawang nasa gilid namin (hindi naman sila malapit, hindi rin malayo.) ‘Anak niya siguro’ tapos sinadya ko po na tumalikod para mabasa nila. HAHAHAHAHAHA,” dagdag pa niya.
Ayon naman sa ulat ng Balita, marami ang naka-relate kay Mary Joy lalo na ang mga tinatawag na “titang ina.”
“Relate ako diyan hahaha.”
“Makapaglagay na nga rin sa susunod!”
“Kulang ‘yan teh, sana inilagay mo na rin na single ka at ready to mingle!”
“Ayos ‘to para wala nang mga uzi na tanong nang tanong wala namang ambag haha.”
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 17k reactions, 27k shares, at 2k comments ang kanyang FB post.
You must be logged in to post a comment.