Viy Cortez pinapahanap ang Lalamove rider na nagmakaawa at lumuhod sa traffic enforcer

Pinapahanap ngayon ni Viy Cortez ang Lalamove rider na nag-trending sa social media matapos makunan ng video  na nagmamakaawa sa traffic enforcer na nanghuli sa kaniya sa kalsada kamakailan.

Nakita pang lumuhod ang nasabing rider at mistulang nakikiusap nang paulit-ulit sa enforcer na umantig naman sa puso ng mga netizens.

Nakikisuyo naman sa mga netizens si Viy kung mayroong nakakakilala kay kuyang Lalamove rider.

Aniya sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 25: “May nakakakilala po ba kay kuya na nag trending sa tiktok?”

Nilinaw rin ng vlogger na hindi niya hinuhusgahan ang traffic enforcer na nanghuli sa rider lalo pa’t hindi naman niya alam ang tunay na nangyari.

“’Yung kumuha ng lisensya ni kuya tapat lang siya sa  kaniyang trabaho (hindi ko alam ang tunay na nangyare),” wika pa ng misis ni Cong TV.

Bagama’t wala namang tuwirang nabanggit si Viy kung bakit niya pinahahanap ang delivery driver, nagpasalamat na ang maraming netizens dahil alam nilang tutulungan ito ng Team Payaman nina Viy at Cong TV.

Samantala, kaniya-kaniya namang opinyon ang mga netizens sa ginawang pagmamakaawa ng rider at panghuhuli ng enforcer sa kaniya.

Marami ang nagsabing marahil daw ay matindi ang pangangailangan ng rider dahil nakuha nitong lumuhod sa nanghuling enforcer sa kaniya.

Naawa rin ang karamihan dahil ang maghapong pinaghirapan ni kuyang rider ay tila nauwi lamang sa tiket.

Ganunpaman, hindi rin umano nila sinisisi ang enforcer dahil ginagawa lamang nito ang kaniyang trungkulin lalo pa’t wala naman silang alam talaga sa totoong naganap bago ang panghuhuli.

Heto ang ilan sa mga piling reaksiyon ng netizens sa nag-viral na video:

“Sa pagiging tapat mo sa trabaho,nakakalimutan mong maging makatao.”

“Yung pag lunok Ng pride mo at pag luhod ng paulit ulit grabe salute kuya oo siguro nga may violation ka Sana hndi na maulit pero hndi din natin Alam bat lumabag Sya sa batas trapiko maaaring nag mamadali dahil may booking madaming dahilan salute din Kay kuyang nag ticket GANYAN talaga trabaho ay trabaho walang personalan , pero kasad pa rin.”

“Tatlong beses kang lumuhod tatlong beses kang tinalikuran.”

“Paano kung. Lahat ay luluhod sa traffic enforcer ay pagbibigyan. Eh di wala nang saysay ang trabaho nila. Isipin din natin mahirap din trabaho ng mga enforcer na yan. Babad din yan sa init. Tsaka lahat ng sisi minsan binabato na sa kanila.”

Panoorin ang video ng nagmakaawang rider:

UPDATE as of 10 PM May 25.

Bago natapos ang araw ng Huwebes ay nagkita na ang rider at si Viy. Sa kanyang kuwento sa comments, aniya, “aminado po si kuya na siya ay nagkamali. Saka lang po siya lumuluhod para sana mapababa kase po 2k po ang kailangan para maibalik. Kaya po walang kasalanan ang enforcer tapat po sya sa kanyang trabaho.”

Naantig lamang umano si Viy sa pangyayari kaya niya pinahanap ang rider at ninais niyang tulungan.

“Guys walang mali ang enforcer basahin nyo caption ko. Tapat lang sya sa kanyang trabaho. Nais ko lang tulungan si kuya rider. Dahil para lumuhod ka at magmakaawa maaring malaki ang pinagdadaanan nya.”

Marami namang nakaunawa at naantig; sa rider man at sa traffic enforcer na gumaganap lamang sa kanilang tungkulin. Hindi rin naman madali ang maging traffic enforcer at hindi lahat ay ‘kotong’ guys.