
Nakikiusap ngayon sa mga netizens si Neri Miranda para tulungan siyang hanapin ang isang single mom na may anak na triplets para tulungan ito.
Ang tinutukoy ni Neri ay si Mommy Mariz na nag-viral sa social media ang nakaaantig nitong kuwento na solong itinataguyod ang kaniyang mga anak kabilang na ang kasisilang lamang na triplets.
Ayon sa misis ni Chito Miranda ng Parokya ni Edgar, nais niyang bigyan ng tulong si Mommy Mariz para kahit papaano ay makabawas sa kaniyang mga iisipin.
“Kung sino po ang may kakilala kay Mommy Mariz, kindly tell her po hinahanap ko po sya. Will share po Babyflo products and Moosegear diapers po sa triplets nya para kahit papaano po makabawas po sa poproblemahin nya sa gastusin,” ani Neri sa kaniyang Facebook post.
Bukod dito, nais rin niya umanong abutan si Mariz ng kaunting puhunan.
Aniya, “Bigyan ko rin po ng puhunan pang negosyo. At kung ano pa po ang kayang maitulong kahit papaano.”
“Mommy Mariz, isang mahigpit na yakap po. Magpakatatag ka para sa mga anak mo,” dagdag pa ni Neri.
Batay sa kuwento ng 29-anyos na si Mariz na ibinahagi ng Philstar sa Facebook, nanganak siya ng triplets nitong Enero 11, 2023 lamang sa Ortigas Hospital and Healthcare Center.
Matindi umano ang kaniyang pinagdaanang hirap sa ikalawang pagkakataong nabuntis siya.
“Two weeks right after namatay ng dad ko, dun ko nalaman na pregnant ako. At first, nagulat ako na naiyak ako kasi sabi ko hindi pa ako prepared. After nagpa-ultrasound ako, nalaman ko na triplets. Naisip ko rin na times three ‘yung gastos,” lahad niya sa Philstar.
Dalawang linggo naman daw matapos siyang manganak ay nawala naman ang kaniyang mister.
“Ako na lang talaga mag-isa. Hindi ko alam kung saan pupulutin lahat [ng] mga kailangang gastusin para sa mga anak ko,” wika pa ni Mommy Mariz.
Sa video na kaniyang ibinahagi, isinalaysay rin ng single mom kung paano niya kinaya ang lahat kahit pa minsan ay naisip na rin niyang sumuko dahil sa hirap.
Panoorin ang video na ibinahagi ng Philippine Star:
You must be logged in to post a comment.