
Marami ang naantig sa mensahe ng “It’s Showtime” kid host na si Argus para sa kaniyang daddy na nakatakdang bumalik sa Sudan para magtrabaho.
Sa “Isip Bata” segment ng programa ay pabiro pang sinabi ni Argus na pasasayawin na niya ang kaniyang Daddy Michael dahil aalis na ito. Ngunit maya-maya lang ay sinubukan niyang pigilan ang pag-alis ng kaniyang ama.
“Daddy, ‘wag ka nang umalis kasi may giyera dun. Sana po magkabati-bati na ang mga tao sa Sudan… ‘Wag na muna po siya umalis kasi po nagtatrabaho na po ako rito,” ani Argus; dahilan upang maging emosyonal ang mga magulang at maging ang host na si Vice Ganda.
Ipinaliwanag naman ni Vice kay Argus kung bakit kailangang magtrabaho ng kaniyang daddy.
“Siyempre hindi naman papayag ang daddy mo na ikaw ang bubuhay ng pamilya mo. Kasi ikaw, kahit kaya mong magtrabaho, bilang anak, hindi mo obligasyon na magtrabaho para sa mga magulang mo. Ibigay mo yung oportunidad na yun para sa mga magulang mo na itaguyod ka at ang pamilya mo,” ani Vice.
Ipinaalala rin ni Vice kay Argus na ang mahalaga ay nag-e-enjoy siya sa ginagawa niya.
“Ikaw, mag-enjoy ka lang. Itong ginagawa mo, wag mo tong isiping trabaho, nag-e-enjoy ka lang. Habang nag-e-enjoy ka, may sweldo, nakakaipon ka. Hindi ka dinadala rito ni mommy saka ni daddy para talagang magtrabaho. Gusto lang nila mag-enjoy ka rito. Sila ang magtatrabaho nun para sa’yo.”
Ganito rin ang naging mensahe ng daddy ni Argus sa kaniya.
“Basta anak, pagbutihan mo lang palagi.Enjoy ka lang hangga’t nag-eenjoy ka sa ginagawa mo. Nandito kami ni Mommy mo, nakasupport sayo. Lahat naman kayong mga bata rito, may kanya-kanya kayong talento, may kanya-kanya kayong talino, pagbutihan nyo lang,” sabi niya.
Nagpasalamat naman ang daddy ni Argus sa “It’s Showtime” family dahil sa pag-aalaga nila sa mga batang host, mapa-on cam o off cam man.
“I would like to take this opportunity Meme Vice na magpasalamat sa Showtime family for taking care of my son, sa mga bata na on and off cam, na nakikita ko kung papaano nyo alagaan, mahalin yung mga bata on and off cam.”
You must be logged in to post a comment.