Madiskarteng rider na nagbebenta rin ng isda, kahanga-hanga

Walang duda; mas malakas ang online bentahan noong kasagsagan ng pandemya dahil sa mga lockdowns at restrictions. Bagama’t may pag-aalala ang mga rider dahil sa nakahahawang virus, patuloy lang silang naghahanapbuhay para maitaguyod ang kanilang pamilya. Dagdag ingat na lang at sumusunod sa mga safety protocols.

Ngunit matapos ang restrictions dahil sa pagbaba ng banta at nakalalabas na ang mga tao, naapektuhan ba ang trabaho ng mga delivery riders?

Ayon kay Kuya Mac na isang delivery rider, humina rin ang kanilang bookings. Bukod sa nakalalabas na ang mga tao, nagsulputan na rin kasi ang maraming kakompitensiya.

Para makaagapay sa lumalaking pangangailangan ng kanyang pamilya, siyempre isip isip din ng iba pang mapagkakakitaan na masasabing marangal din naman.

Kapag wala pang bookings ay matiyaga at buong sipag na nagbebenta ang padre de pamilyang si Kuya Mac ng isda. Why not nga naman, ‘di ba? Yung maitawid mo ang pang-araw-araw na pagkain ng iyong mag-anak sa pamamagitan ng iyong sideline ay malaking kaalwanan nga naman. Kung may mailalaan kang oras para sa pangangailangan na ito ay bakit hindi? Iba talaga ang may sipag at walang sinasayang na oras!

Imbes na itulog niya ang mga bakanteng oras at sa kabila ng mainit na panahon ngayon, mas pinipili niyang gawing kapakipakinabang ang mga panahong mahina ang delivery.

Sa mga larawan ay makikita ang motorsiklo ng responsableng ama na may dalawang balde na naglalaman ng mga paninda niyang galunggong na ubod ng sariwa at magaganda; reasonable pa ang presyo.

Sa mga Pinoy na madiskarte ay talaga namang hahanga ka. Yung mga kababayan mong walang pag-aatubili na pasukin ang mararangal na trabaho nang may ngiti sa kanilang labi, paano ka bang tatanggi kapag ika’y inalok na sa kanila ay bumili?

“Ate, bili na ng sariwang galunggong!” sabi ng nakangiting rider.

Nagwawalis ako sa aming tapat nang napadaan si Kuya Mac sa aming kalye at ako ay kanyang inaalok.

Nakipagkuwentuhan ako saglit at kinumusta ang kanyang pagtatrabaho. Pinuri ko ang kanyang kasipagan at nalaman kong pamilyado siyang tao na kapag mahina ang bookings ay naghahanap ng iba pang mapagkakakitaan.

Napabalik tuloy ako sa panahon ng aking kabataan nang itinataguyod ko pa ang mga anak ko bilang solo parent; lahat ng pagkakakitaan, basta’t marangal ay gora din lang ako. Mahalaga ang pagtangkilik sa kapwa natin na nagsusumikap kaya naman bumili agad agad ang lola n’yo. Huwag ding magdamot sa tip. Barya man ay mahalaga kapag pinagsama-sama.

Stay safe, be more blessed, Kuya Mac, at sa iba pang katulad mo na lumalaban nang patas sa buhay.

#PinoysOfPinas