‘Little Green Gold’: Kilalanin ang Duman ng Pampanga

Pinipig with a special history! ‘Yan ang tinatawag na ‘duman’ ng mga Kapampangan.

Marami ang natakam sa ibinahaging larawan ni Alex AT Totanes sa Nostalgia Philippines. Makikita dito ang isang espesyal na uri ng pinipig na mas kilala bilang ‘duman’ — ang ‘little green gold’ na ipinagmamalaki ng Sta. Rita, Pampanga.

“San pa kaya meron?” tanong nito sa kanyang ibinahaging larawan ng duman.

Marami ang tinawag itong ‘pinipig’ at hindi naman sila mali. Ang pinipig kasi ay ang mga tinustang hilaw na maligat na bigas (glutinous rice) at ito’y karaniwang binabayo muna hanggang sa maging manipis ang anyo nito bago tustahin.

Ngunit kaiba sa ibang uri ng pinipig, ang duman ay isang espesyal uri o variety ng malagkit na bigas na karaniwang sa bayan ng Sta. Rita, Pampanga lamang may nagtatanim at naging bahagi na ng kultura ng mga tagarito.

Ang mga nagpoproseso ng duman ay tinatawag na mga “Magduruman”. Hindi biro ang panahong ginugugol bago makagawa ng duman. Ang anihan ay tuwing Oktubre at Nobyembre kaya’t saktong-sakto sa kapaskuhan. Karaniwan itong kinakain kasabay ng tsokolateng binatirol (hinalo at pinabula gamit ang batirol).

Mataas ang halaga ng kakanin na duman na umaabot ng ilang daan bawat kilo o takal. Napakasarap nito! Tunay na naging bahagi na ito ng kultura ng mga tagaroon kaya’t pinahahalagahan ang paggawa nito.

Kaya naman mayroong tinatawag na Duman Festival sa bayan ng Sta.Rita, Pampanga na idinaraos kada unang Sabado sa buwan ng Disyembre. Ang duman kasi ay maituturing nang ‘pamana’.

Mabango ito at inilarawan bilang creamy at delicious. Masarap ding isama sa halohalo, sa chocolate drink at iba pang pagkain.

Panoorin: