‘Totoo po talaga iyan’: Julian Martir pinaninindigan ang mga natanggap na scholarships

Paano ba ‘yan? Sa gitna ng mga batikos at mga akusasyong natanggap, kinumpirma na ng ilang unibersidad sa labas ng bansa ang scholarship grant na diumano ay napasahan ng isang estudyante mula sa Bacolod.

Matapos mag-viral at hangaan ng marami dahil sa scholarship grants na diumano’y natanggap ng SHS student na si Julian Martir, sunod-sunod naman ang mga nagduda at bumatikos sa bente anyos na mag-aaral dahil sa ‘fake news’ umano ang kanyang ikinalat.

Pinutakte ng pagdududa at batikos ang estudyante na anak ng tricycle driver matapos kumalat sa social media ang isang panayam sa kanya na tila hindi  pasado sa ibang netizens. Hindi nagaliingan ang marami sa kanyang mga sagot sa panayam kaya’t pinagdudahan ang pagpasa niya umano sa scholarship applications sa 30 unibersidad sa Amerika at UK.

Kasunod nito, hindi rin nakumpirma ng principal ng Negros Occidental High School (NOHS) ang scholarship claims ni Julian, ayon sa isang panayam ng DZRH dito, dahil wala silang hawak na katibayan.

Maraming media outlets ang nadamay dahil sa kontrobersyal na kuwento ni Julian na hindi umano na-verify bago inilathala. Bumuhos din ang pambu-bully sa estudyante kaya’t pinili nitong mag-deactivate ng mga social media accounts niya.

Ngunit nitong Mayo 23, naglabas ng ulat ang Frontline Pilipinas ng News5 na ang  Scholarship grants kay Julian Martir ay kinumpirma na ng ilang unibersidad.

Tumanggi na sa panayam ang 20-anyos at ang kanyang mga magulang ngunit ipinakita na lamang ni Julian ang admission documents na ipinadala sa kanya kabilang na ang sa University of Arizona. Pinatotohanan naman ng ilang educators sa kanyang paaralan (NOHS) ang katalinuhan at kasipagan ni Julian sa pag-aaral. Nagtapos na nga ito nang may high honors bagamat hindi siya ang valedictorian.

Ayon naman kay Prof. Danton Remoto, hindi imposibleng matanggap sa international universities ang tulad ni Julian lalo na sa mga may mataas na passing rate o sadyang marami ang tinatanggap na estudyante.

Dagdag pa ni Prof. Remoto, dapat pa ngang i-emulate si Julian dahil nagsisikap itong mapa-improve ang kanyang buhay.

Giit naman ni Julian kaugnay sa isyung ito, hindi siya nagsisinungaling. Tanging hiling lamang nito sa publiko, “I hope na ma-stop na po yung post about sa akin na hindi totoo. Kasi yung mga scholarship na binibigay sa akin totoo po talaga po yan. Na-review po talaga nila yan na need ko yung scholarship as an international student.”

Panoorin ang ulat mula sa News5Everywhere via Youtube: