
Simula nang magpasilip sa isang “mystery woman” sa kaniyang Instagram story ay tila sinusubaybayan na kung sino nga ba ang bagong karelasyon ng singer at estranged husband ni Moira Dela Torre na si Jason Marvin Hernandez.
Mainit na usapan sa pagtatapos ng Mayo 2022 at pag-uumpisa naman ng Hunyo 2022 ang pag-amin ni Jason na hiwalay na sila ng misis na si Moira, dahil sa pagiging “unfaithful” niya.
Makalipas ang halos isang taon, heto’t mukhang may pa-soft launch na nga si Jason sa kaniyang bagong pag-ibig, na nauna nang itinatwa ni Moira na siya ang babaeng iyon, sa pamamagitan ng simpleng Instagram post.
“‘Ako’y tahimik lang sa umpisa…’ Eme. Di ako ‘yon,” caption ng Kapamilya singer na tinaguriang “Queen of Hugot Songs.”
Ang unang pasilip ni Jason sa kaniyang “mystery woman” ay noong Mayo 16, sa kaniyang Instagram story, ayon sa ulat ng Inquirer. Hindi nakita ang mukha ng babae dahil sa sumbrero nito subalit may pasilip naman sa mga labi nito.
Sumunod naman ay noong Mayo 19 kung saan makikitang nakasandal pa sa kaniyang balikat ang ulo ng naturang babae habang sila ay nakatunghay sa “Golden Gate Bridge sa San Francisco, USA, ayon sa Balita.
Mayo 22, muling nagbahagi ng mga litrato si Jason, at ngayon ay naka-post na sa kaniyang social media account. Magkasama naman sila sa Horse Shoe Bend Canyon.
“Siya ang nagligtas sa’kin, ang nagbalik ng aking ngiti,” caption ni Jason sa kaniyang latest Facebook post.
Naka-limit ang comment section nito subalit makikitang may 211k haha reactions at 52k shares na ang nasabing FB post. Pawang likod lamang nila ang makikita sa mga kalakip na litrato kaya hindi pa rin tukoy ang pagkakakilanlan ng babae.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
“Ang init na ng panahon lalo mo pa pinapainit ulo ko ko Jason ah. Yung kapal ng mukha mo kasing kapal ng mga bato diyan sa Grand Canyon.”
“Sana all nililigtas hahaha.”
“Lakas ng loob ni Koya, annulled na ba kayo ni Moira?”
“Cheater na, clout chaser pa hahaha.”
“Luh Moira gawa ka nga ng kantang mapanakit haha.”
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Moira tungkol dito. Wala pa ring sagot si Jason sa mga pintas at batikos sa kaniya ng publiko.
You must be logged in to post a comment.