Gurong inaalagaan ang anak habang nagtuturo, umani ng iba’t ibang reaksiyon

Larawan mula sa FB ni Renilen Casagan-Tingson

Trending ngayon ang Facebook post ng isang 28-anyos na guro mula sa pampublikong paaralan sa Negros Occidental matapos niyang i-flex ang kaniyang mga larawan habang nagtuturo at karga sa harapan ng klase ang isang batang babae.

Hindi niya estudyante at lalong hindi anak ng isa sa mga estudyante ang batang iyon kundi mismong anak niya.

“Di ako masamang empleyado dahil nanay ako, at di rin ako masamang nanay dahil empleyado ako,” pahayag ni Ma’am Renilen Casagan-Tingson sa kaniyang Facebook post.

Batay sa kaniyang post ay mukhang marami ang nagtataas ng kilay sa kaniyang pinapasukang paaralan dahil nakikita siyang dinadala ang anak sa loob ng silid-aralan at kasa-kasama pa ito sa pagtuturo ng kaniyang aralin.

“Sila: Paano trabaho mo, kung lagi mong dala ang anak mo?”

“Unfiltered moment in my life as a working mom. Kapag naging nanay ka, malalaman mo talaga kung hanggang saan ang kaya mong gawin/ibigay para sa anak at mga anak (student) mong umaasa sa’yo sa bawat araw,” ani Ma’am Renilen.

Kahit tanungin daw ang kaniyang mga estudyante na mula Lunes hanggang Biyernes niyang nakakasama at itinuturing na pangalawang mga anak, hindi naman daw niya pinababayaan ang kaniyang responsibilidad sa trabaho.

“My students know everything, just ask them kung gusto mo ng proof.”

“Di porket dala ko anak ko sa trabaho araw-araw pinapabayaan ko ang responsibilidad ko bilang guro sa mga estudyante ko.”

“Weeks na lang magtatapos na ang school year na ito pero proud ako sa sarili ko kahit kailan di ko pinabayaan ang pagiging guro/trabaho/responsibilidad ko sa mga anak ko (students).”

” YOU are not considered less of a worker if you’re a mother,” aniya.

Sa panayam ng Balita kay Ma’am Renilen, napag-alamang wala raw siyang mapag-iwanan sa kaniyang anak, at ayaw naman niyang iwanan ito sa mga kaanak o yaya dahil sa takot na baka maltratuhin ito.

Ayaw naman niyang iwanan itong mag-isa dahil lumaki raw siyang nag-iisa at ayaw niyang maranasan ito ng kaniyang anak.

Kaya kahit mahirap, mas pinili na lamang niyang isama sa paaralang pinapasukan ang anak, mabantayan lamang ito.

Ang kaniyang asawa at ama ng anak ay nagtatrabaho rin sa malayo, at sa kanilang dalawa, siya lamang ang makakapagsama sa kanilang unica hija.

Sa comment section ay iba-iba ang reaksiyon, komento, at saloobin ng mga netizen tungkol dito.

“Ok lang ‘yan, kung wala kang mapag-iwanan ang anak mo, dalhin mo lang sa school… walang masama d’yan… at least ginampanan mo pa rin ang pagtuturo sa school, salute ma’am!”

“No this should not be tolerated, baka gayahin pa nang iba. Like yung mga students na ina-allow na pumasok kahit buntis na, dapat hindi nila pinapayagan.”

“Grabe, wonder woman si ma’am! Saludo po! Don’t mind mga taong maraming sinasabi, hindi naman sila ang nahihirapan.”

“Sa akin lang ito ah, dapat siguro kumuha na siya ng yaya o paalagaan sa kamag-anak. Hindi rin talaga magandang napagsasabay ang trabaho sa personal na buhay. Yung students mo, sa halip na sa lesson nakatingin, baka nadidistract din sa anak mo, hindi lang sila nagsasabi dahil siyempre takot sila.”

“Naranasan ko yan sa noong baby pa eldest ko. Habang nagsusulat mga kamay ko, yung paa ko abala sa pagduduyan sa stroller para makatulog baby ko. Hahaha natatawa na lang ako pag naalala ko yun.”

“Dapat may day care centers ang school sa mga kagaya niya.”

Sa isa pang Facebook post, sinabi ng guro na hindi alam ng lahat ang kaniyang pinagdaraanan; nakakapagod daw at nakauubos.

“Di n’yo po alam ang buhay ko sa araw-araw. Nakakapanghina. Nakakapagod. Nakakaubos,” aniya.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 11k shares ang viral FB post ni Ma’am Renilen.