Gerald sa timing ng pagpasok sa showbiz: ‘Kung nag-start ako ngayon, mahihirapan ako maging artista’

Kung may ipinagpapasalamat daw ang aktor na si Gerald Anderson sa pagpasok niya sa Pinoy Big Brother (PBB) House, ito raw ay ang pagiging daan nito sa mga tamang oportunidad sa tamang panahon, kabilang na ang pagpasok niya sa mundo ng showbiz.

Sa panayam sa kanya ng beteranang broadcast journalist na Korina Sanchez, ibinahagi ni Gerald kung gaano siya ka-grateful sa mga biyayang natanggap niya noon. Aniya, marahil ay mahihirapan siyang maging artista kung sa panahong ito siya pumasok sa industriya.

“Sabi ko nga, kung naging artista ako ngayon or nag-start ako ngayon–with how easy it is to be a celebrity dahil sa YouTube, social media, mag-post ka lang, celebrity ka na–mahihirapan ako ngayon maging artista,” wika ng 34-year-old actor na nagsimula ang karera sa entertainment industry noong siya ay teenager pa lamang.

Ayon sa kanya, ang teen edition ng PBB na sinalihan niya ang nagbukas ng maraming pinto at nagdala sa kanya sa kung sino at ano siya ngayon sa industriya. Kuwento ng aktor, simula pa lamang ng paglabas nila ng Bahay ni Kuya, kung kailan opisyal na inilunsad ang Kimerald love team nila ng dating kasintahang si Kim Chiu, ay sunod-sunod na ang mga dumating sa kanya bilang aktor. Naniniwala raw siya na malaking bahagi ng naging tagumpay niya sa showbiz ay suwerte.

“Luck is a big part of it. Sinuwerte lang talaga ako,” saad niya.

Sa katunayan, talagang namangha raw pareho sila ni Kim sa dami ng mga taong sumalubong sa kanila paglabas.

“Paglabas namin, gulat kami parehas. ‘Yong impact and pagsalubong sa amin ng tao. Again, we are very lucky. You mix that with hard work,” sabi ng aktor.

“Ang nangyari po paglabas namin ng PBB, parang ginawa na kaming bida sa mga shows,” pagbabalik-tanaw niya. “Imagine, two months to three months prior niyan, nasa Gen San lang ako nagba-basketball lang. Again, parang noong galing akong States na pumunta ako sa Gen San, culture shock talaga.”

Panoorin ang buong interview ni Korina kay Gerald: