
Simula sa susunod na linggo, magdadaos ang Malakanyang ng serye ng konsyerto na magtatampok sa mga baguhang artists at performers mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Tinawag na ‘Konsyerto Sa Palasyo’ (KSP), bubuksan umano ang pinto ng Malakanyang para ilatag ang entablado sa mga bagong Pinoy performing artists simula sa Abril 22.
Para sa kauna-unahang KSP, ang pagtatanghal ay bilang pagbibigay parangal at pagkilala sa sakripisyo para sa ating bayan ng mga kasapi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas o AFP na siyang magiging mga panauhin sa gabing iyon.
“Mula sa inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang KSP ay serye ng mga konsyerto sa loob ng Palasyo ng Malakanyang na magtatampok sa pinakamahuhusay at mga bagong artista bilang pagbibigay halaga sa mayamang kultura at world class talent ng mga Pilipino sa performing arts,” ayon sa Facebook page ng KSP.
“Naniniwala ang Pangulo na hindi dapat maiwanan ang creative industry habang muling umaarangkada ang ekonomiya ng bansa,” ayon pa sa pahayag.
Itatampok sa nasabing konsyerto ang mga singer, instrumentalists, dancers at movement artists, rappers, spoken word artist, rock vocalists, theater artists, beatbox artists mula sa Cebu, Ilocos Norte, Quezon, Cavite, Iloilo, Metro Manila at Davao.
Maliban sa live performances sa loob ng Malakanyang, mapapanood din ang pagtatanghal sa pamamagitan ng live stream sa Facebook ng Radio Television Malacañang, Office of the President at Bongbong Marcos Facebook page.
Ang KSP ay ihahatid sa pakikipagtulungan ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacañang – RTVM.
Samantala, abangan sa mga darating na araw ang susunod na pagtatanghal ng ‘Konsyerto Sa Palasyo’ na inaasahang magtatagal hanggang sa susunod na buwan ng 2023.
Iaanunsiyo rin ng Malakanyang kung sino-sinong artist ang itatampok sa mga susunod ng serye ng KSP.
You must be logged in to post a comment.