
Bago pa nauso ang pagpi-print ng lyrics ng kanta, nagsusulat ka rin ba noon ng song lyrics sa isang kuwaderno na nagsilbing song hits sa iyo noon?
Sa Facebook group na Classic Pare® Titos and Titas of Manila, ibinahagi ng isang miyembro ang dalawang pahina mula sa isang notebook na sinusulatan noon ng song lyrics. Dito ay nagbalik-tanaw siya sa mga sandaling simple lamang ang lahat at gumagawa pa siya ng improvised song hits na naglalaman ng mga gusto niyang kanta.
“Hello, mga titos and titas! Sino ang gumawa nito noon dahil walang pambili ng song hits?” tanong ng nag-post na si Janneth Evelyn Israel Aquino.
Marami ang nagbalik sa nakaraan habang inaalala ang mga gunitang nabuo dahil sa mga kuwadernong nagsilbing song hits noon sa kanila; saksi sa mga hindi matatawarang jamming at bonding moments nila sa paaralan sa tuwing break time o walang klase.
“Ako rin po, lahat ng magagandang kanta kinokopya ko sa song hits noon. Hahaha! Hihiram ako ng song hits, kokopyahin ko na lahat ng gusto kong kanta,” pagbabahagi ni E. Santos.
“Kung ang millennials may playlists ngayon, tayo ‘yan ang playlist natin noon,” saad naman ng miyembro na si R. Taguinod.
May mga nagsabi rin na hanggang ngayon ay nakatabi ang mga kuwaderno nila; mga notebook ng kanta na may kakabit na napakaraming alaala.
Samantala, hindi lang naman gumagamit ng notebook para sa song lyrics ang mga estudyante dahil sa wala silang pambili ng song hits. Para sa iba, mas mainam ito dahil napipili nila ang mga kantang paborito nila at napagsasama-sama ang mga ito sa iisang kuwaderno at nalalagyan pa ng artwork.
Kabilang ka rin ba sa mga gumawa nito noon? Kung oo, ano ang dahilan mo sa paggawa nito? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section ng post na ito!
You must be logged in to post a comment.