Babaeng naghimay na lang ng lumpia wrapper dahil sa mabigat na daloy ng trapiko kinaaliwan

Larawan mula kay Patricia Anne Pasamonte/Unsplash

Good vibes ang hatid ng trending na litrato ng isang ‘di-nakilalang babae matapos paghiwa-hiwalayin ang mga biniling lumpia wrapper habang nasa loob ng pampasaherong jeepney, na ilang oras nang naipit sa mabigat na daloy ng trapiko sa Calapandayan, Subic noong Sabado De Gloria, Abril 8.

Kuha ang litrato ng netizen na nagngangalang “Patricia Anne Pasamonte.” Ayon sa ulat ng Pilipino Star Ngayon Digital, pauwi na umano sila galing sa isang birthday party ngunit wala raw masakyan dahil sobrang bigat ng daloy ng trapiko.

Ang dahilan daw, maraming mga turistang dumayo sa Zambales para sa mahabang bakasyong dulot ng nagdaang Semana Santa.

Maya-maya raw, para hindi sayang ang oras at tanggal-bagot, inilabas ng babaeng nakaupo sa bandang bukana ng jeepney ang biniling lumpia wrapper at sinimulan itong himayin. Nagpaalam naman daw siya sa babae kung puwede siyang kuhanan ng litrato.

“Sa sobrang boring na namin sa jeep si ate hinimay na niya yung lumpia wrapper niya habang nagtatawanan at naghahanap na kami ng baraha para maglaro ng tongits habang nasa biyahe dahil walang galawan yung mga sasakyan dahil sa trapik,” kuwento niya sa panayam.

Sa panayam naman ng “Frontline Pilipinas” kay Patreng (palayaw ng uploader), akala raw niya ay doon na rin lulutuin ni Ate ang lumpia.

Sundot na biro pa niya, sa susunod daw ay magdadala na siya ng mga sangkap at lutuan para ready to eat na ang mga lumpia. Ganoon daw kasi katindi ang trapik!

Sa panayam naman ng “State of the Nation” with Atom Araullo sa GTV, dito ay mas detalyadong isinalaysay ni Patreng ang mga nangyari.

“Ate, ano ‘yan ibebenta mo o ipapakain mo na sa amin? Sabi niya ‘Sayang yung oras eh, para pag-uwi ko sa bahay, ibabalot na lang tapos ipiprito na,'” kuwento ng uploader.

“Nandoon na sa plastik yung giniling kaya niloloko namin, ‘Ate lutuin na lang namin!'”

Sa kabilang banda, may mga nag-alala rin na baka marumi na ang lumpia wrapper ng babae dahil unang-una raw, sa hita niya nakalapag ang mga ito.

Pangalawa, baka raw nakontamina na ito ng polusyon sa hangin lalo na’t malapit siya sa tambutso ng jeep.

Anyway, good vibes lang naman ang hatid nito.  Wika nga, traffic ka lang, Pinoy kami! hahaha