
Kung pag-uusapan ang mitolohiyang Pilipino, kabilang dito ang mga kakaibang nilalang na tinatawag na “aswang.” Sa bawat rehiyon o lalawigan ay may iba’t ibang uri ng aswang na noong unang panahon ay labis na kinasisindakan at itinuturing na tagapagdala ng malas.
Sa pagdaan ng panahon patungo sa modernisasyon, naiba na rin ang pananaw ng mga Pilipino tungkol dito. May mga naniniwalang sumabay na rin sa agos ng panahon ang pagkawala nila. Maaaring mayroon pa, subalit sa mga liblib na lugar na lamang, gaya sa mga lalawigan.
Kaya naman, laking-gulat ng mga netizen sa napaulat na isang “sigbin” daw ang namataan, isang gabi sa Tagabaca, Butuan City kamakailan. Ibinahagi ito sa Facebook post ng isang nagngangalang “Jenelyn Amarga” noong Marso 11.
“Karon pane alas 7:24pm na picture guys likayan tawon nato Ang pag suroy2x sa atong mga Bata pag ka Gabie na Kay hadlok kaayo guys mag balitong2x raba ambot unsa ni Basta gipang kulbaan me tanan dre sa tagabaca diay ni na picture ni masai atbang gyd sa tindahan niya kawatan niyag picture pate sya na kulbaan tawon,” saad sa caption sa kanilang lokal na wika.
Salin nito sa wikang Ingles, “This picture was taken at 7:24 pm guys let’s avoid letting our kids go out at night because it’s scary guys, there are talks gond around but I don’t know what this is but we are all nervous here in Tagabaca. This picture was taken right in front of his store. He took the picture and he got nervous.”
Sa panayam umano ng Balita kay Jenelyn, akala raw ng kapitbahay nila ay alagang inahing manok lamang ang nakikita sa kalsada.
“Yung kapitbahay namin ang kumuha ng litrato niyan at hiningi ko. Noong makita niya ito sa daan, akala niya na alagang inahing manok nila ito kaya kinuhanan niya para ipaalam sa kaniyang mga anak kung bakit hindi pa nila kinukuha sa daan ang manok at baka raw ay kuhanin pa ng iba.”
Hindi naman sila makapaniwala nang makita nila ang hitsura nito, na mistulang isang aso na may umiilaw na mga mata.
Naihambing nga nila ito sa isang sigbin. Ayon sa Mythical Creature Guide, ang aswang na ito ay parang isang aso o lobo. Maikukumpara din umano ito sa isang “chupacabra.” Kagaya ng iba pang aswang, nambibiktima ito tuwing sasapit ang gabi. Sinisipsip nito ang dugo ng kaniyang biktima sa pamamagitan ng anino nito.
Ito umano ang unang beses na may ganitong nakuhanang mythical creature sa kanilang lugar, kaya nagbabala si Jenelyn sa kaniyang mga kalugar na hangga’t maaari, iwasan muna ang paggala sa gabi.
You must be logged in to post a comment.