
Isa sa mahahalagang alagad ng simbahan at susi sa tagumpay ng maayos na daloy ng isang misa ay mga sakristan o altar boys. Sila kasi ang mga katuwang ng pari sa pagsasagawa ng iba’t ibang parte ng isang misa, lalo na sa pagdadala ng iba’t ibang banal na kagamitan gaya ng ostiya, kopita, at alak, na mga kailangan para sa pagtanggap ng komunyon.
Kaya naman, labis na kinaaliwan sa social media ang isang TikTok video na inupload ng paring si Father Richard Lagos ng Shrine of the Holy Face of Jesus- Immaculate Conception Parish sa bayan ng Nampicuan, Nueva Ecija, matapos mag-self service sa misa dahil nakatulog nang mahimbing ang umaasisteng sakristan sa likod ng pulpito.
Ayon sa ulat ng Balita, nahagip sa CCTV na saglit na dumukmo ang sakristan sa isang upuan habang abala pa sa homily si Fr. Richard. Maya-maya, hindi na niya namalayang nahimbing na siya.
Ang pari naman, saglit na naghintay sa sakristan na nakatakda sanang magdala ng ostiya at alak, subalit lumipas ang ilang segundo na wala pa ito, kaya agad nang sinilip ng pari ang mga nangyayari sa likod.
Dito na niya nakitang natutulog na nga ang sakristan. Sa halip na gisingin at kagalitan, si Fr. Richard na mismo ang bumitbit ng mga kailangan niya upang hindi na maabala ang daloy ng misa. Saka naman siya ginising ng isang lalaking namamahala sa technicals. Nagdudumaling tumayo ang naalimpungatang sakristan subalit nagpapatuloy na ang pari.
Natuwa naman ang mga netizen sa ginawa ng pari dahil baka nga naman puyat ang sakristan kaya hindi na nito napigilan pa ang antok.
Sa isa pang TikTok video ay nagpasalamat naman ang pari sa magagandang mensaheng natanggap niya mula sa mga netizens.
Aniya pa, marami raw ang curious kung ano ang dahilan ng pagkatulog ng sakristan: siya raw ba ay napuyat sa kalalaro ng ML o Mobile Legends, lasing, pagod sa trabaho, o pagod sa kakaaral.
Sa mga darating na araw ay lalabas ang part 2 ng kaniyang TikTok video at sa sakristan na raw mismo manggagaling ang sagot.
You must be logged in to post a comment.