
Ang pagbukod sa poder ng mga magulang kapag may sariling pamilya na ay isa sa mga nakasanayan nang gawin ng marami, bagama’t may mga ilan ding nakikipisan pa rin. Alinman sa dalawang ito ang sitwasyon, iisa lamang ang hindi dapat mawala: ang huwag kalimutan ang mga magulang!
Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya o maging sa buong daigdig na labis-labis ang pagpapahalaga, pagtanaw ng utang na loob, at pagmamahal sa ating mga magulang. Bagama’t sinasabing obligasyon ng mga magulang na mabigyan ng magandang buhay ang mga anak, nakaugat na sa ating kultura at konsensya na huwag pabayaan ang mga taong nagbigay-buhay at naging dahilan kung bakit tayo nasa mundong ibabaw ngayon.
Kaya naman, nagpaantig sa damdamin ng mga netizen ang ibinahaging TikTok video ng aktres na si Roxanne Guinoo, dahil ibinahagi niya kung paano siya bumabawi sa mga magulang na may edad na rin, tuwing sasapit ang araw ng Linggo.
Ayon kay Roxanne, ang araw ng Linggo ay para sa kaniyang mga magulang. Pinagsisilbihan niya ang mga ito mula sa paghuhugas ng mga pinagkainan, pagwawalis at paglilinis ng sala, kusina, kuwarto, at iba pang bahagi ng kanilang bahay, pag-aasiste sa kanila kapag may tanong sa paggamit ng makabagong gadget, at pagsalo sa kanila sa hapag-kainan.
“This is how I spend my Sundays at my parents house,” saad ni Roxanne sa caption ng kaniyang TikTok video.
“I make sure maiiwan ko silang maayos na ang bahay at wala na silang maiiwanan na trabaho, bigyan panahon natin ang ating mga magulang, pahalagahan natin bawat oras na nakakasama natin sila.”
“Habang tayo ay tumatanda, sila rin ay tumatanda.”
Ayon sa ulat ng Balita, marami ang humanga sa ipinakita ni Roxanne, at sana raw ay tularan pa ito ng iba, na porke’t nagkapamilya na, pababayaan na ang mga magulang.
“Your parents are lucky and blessed to have you. God bless you!”
“God bless you more Roxanne. Sana lahat ng anak katulad mo. Yung iba pag may asawa na ni hindi madalaw ang kanilang mga magulang.”
“Saludo ako sa ‘yo Ms. Roxanne, nakikita ko sa’yo ang sarili ko ganyan din ako sa mga magulang ko noong nabubuhay pa sila sobra silang nakaka-miss. God bless you always.”
“Ito yung mga masarap panoorin sa TikTok, hindi yung puro sayaw-sayaw at pagpapa-cute. More of this, Roxanne!”
Noong 2011 ay ikinasal si Roxanne sa kaniyang boyfriend na si Elton Yap, at sa ngayon ay may mga anak na sila.
Si Roxanne ay produkto ng unang batch ng Star Circle Quest noong 2004, kasama sina Melissa Ricks, Joross Gamboa, Sandara Park, at ang Grand Questor na si Hero Angeles.
You must be logged in to post a comment.