
Mukhang dininig na ng direktor at bida ng action-drama series na “FPJ’s Batang Quiapo” na si Coco Martin ang panawagan ng character actor na si Raul Dillo a.k.a. “Kapre” at “Frankenstein” na mapabilang siya sa naturang serye ng ABS-CBN.
Ayon sa ulat ng Balita, sa pamamagitan ng video message ay nagpasaklolo at nakiusap si Raul na kung puwede siyang maka-ekstra sa hit teleserye ni Coco, matapos niyang mawalan ng pagkakakitaan dahil sa karamdaman.
Hindi na umano siya nakapaglalako ngayon ng mga panindang pagkain gaya ng lugaw, pansit, tinapa, balot, at gulay. at nahatak pa ang tricycle na ginagamit niya sa pagbebenta dahil hindi na nakababayad.
Sana raw ay mapagbigyan siya ni Direk Coco na kilala sa pagtulong sa mga artistang “napaglipasan” na sa limelight o walang nakalinyang proyekto, na nangyari sa matagumpay na “FPJ’s Ang Probinsyano” na umere ng halos pitong taon.
Hangad ng mga netizen na sana raw ay dinggin ni Coco ang panawagan ni Raul.
Makalipas lamang ang ilang araw, masayang ibinalita ni Raul na nakarating na sa kaalaman ni Coco at pamunuan ng ABS-CBN ang kaniyang mensahe.
Nakipag-ugnayan na raw ang pamunuan ng serye kay Raul at mapabibilang na sa lumalaking cast members nito, ayon sa ulat.
“Hindi ko po lubos akalaing ako ay bibigyan ng pansin, ang aking panawagan kay idol Direk Coco Martin,” aniya sa video.
“Natawagan na po ako ng production ng Batang Quiapo at napansin na po ni Direk Coco Martin ang aking panawagan. Kaya po nag-uumapaw po ang aking kaligayahan, hindi ko po halos ine-expect ito,” dagdag pa.
“Gagawin ko po ang lahat para po mabigyan ko kayo ng kasiyahan sa pamumuhay po sa araw-araw at lubos po talaga ang aking kaligayahan dahil kung hindi dahil sa inyo ay hindi ako mapapansin ni direk idol Coco Martin,” pangako niya sa netizens.
Hindi pa tiyak kung anong papel o role ang gagampanan ni Raul sa naturang serye.
Nakilala si Raul na gumaganap na higante, “kapre,” o “Frankenstein” sa mga pelikula.
You must be logged in to post a comment.