
Mas kilala ng mga tao ang ‘plantsa de uling’ na hanggang ngayon ay nagagamit pa umano ng iba, lalo na yaong walang linya ng kuryente o kaya ay kapag brownout.
Sa Nostalgia Philippines ay ibinahagi naman ni ka-Nostalgia Elisa Que ang naiibang uri ng plantsa na kung tawagin umano sa kanila ay ‘prinsa’ (prensa naman sa iba) na hango pala sa salitang kastila na ang kahulugan sa Ingles ay ‘press’.
Ayon kay Elisa sa kanyang ipinost na larawan, “Sharing my souvenir….plantsa noong panahon ni Maria Clara at Ibarra.” 🙂
Inilahad naman ng ilang nakaabot dito kung para saan ito ginagamit, bukod sa pang-unat ng damit o pagpapalntsa.
“Simple lang ang paggamit may bumabaga na uling sa ibabaw tapos tulak at hila parang pag gamit ng plantsa sa ngayon..”
“Nung bata pa ako meron kami niyan tawag sa amin ay prinsa. ginagamit kapag bagong paligo ang sanggol.”
“Tawag nmin dyan ay prinsa. Noon kapag may bagong baby at pinaliguan ginagamit ang prinsa para painitan ang bata. My apoy na galing s bao at may tela na pinainitan o parang pinalantsa ng prinsa at idadampay sa paa, mga kamay at sa my pusod ng bata o halos buong katawan bago bibihisan ang bata. saka lalagyan ng insenso at kamangyan ang apoy saka itatapat ang bata. Gagawin pa ng nanay dadakot ng usok at isasaboy sa mukha ng bata. Yon napakabango ng bata at tutulog na nang mahimbing. Pero di ko na nagawa sa mga anak ko yan dahil nawala na yung prinsa at di na rin nauso na pausukan pa ang sanggol na bagong paligo.”
Halos kawangis din ito ng ibinahagi namang mga larawan ni Jaeson Legazpi. Aniya, “Prensa (1900’s). Ang plantsa na nilalagyan ng uling sa ibabaw. Meron din itong hawakan na kahoy (nasira na). Ang hirap pala nuon. Sobrang ingat dapat baka tumapon yun abo sa damit.” 🙂
Tila mas sinauna naman yata ang ibinahagi ni Omar Tiglao sa mga ka-Nostalgia. Ang gamit kasi bilang pang-unat ng damit ay mga paa nila?
“PRINSA DE PAA. Karamihan ng mga bahay noon ay wala pang kuryente, kaya kung hindi de-uling ay PRINSA DE PAA ang ginagamit ng mga tao sa pamamalantsa o pag-uunat ng kanilang mga damit. Napakapayak na gawain, pero makikita mo ang pagkakaisa ng pagmamahalan ng isang mag-anak, na tulong-tulong para sa katuparan ng isang gawaing bahay,” pagbabahagi ni Omar.
Dagdag pa nito, “AT MAY LIBRENG YAKAP PA KAY NANAY…🙂 Kung ihahambing sa takbo ng panahon ngayon ay busy na ang bawat isa hawak ang kani-kanilang gadgets….” 🙁
Nagdulot naman ng palaisipan ang ibinahaging larawan ni Kimmi Lim kung saan ay makikita ang isang uri ng plantsa na tila may tangke? Kakaibang plantsa, may gasul?
Ang tanong niya, “Bakit kaya parang may tangke ang lumang plantsa na ito?”
Bumuhos naman ang mga kwelang sapantaha sa kanyang post. Puwede na raw magluto sa tila kerosene na sisidlan. Tubig naman ang hula ng iba na laman ng tangke at kung ano ano pang nakatatawang hula.
Sa pagre-research ay nalaman nating meron ngang plantsa noon na ganyan, mid to late 1900s, at tinawag itong Iron Hand Kerosene, ayon sa Victorian Collections website. Karamihan kasi noon ay wala namang kuryente kaya’t nasa proseso pa ng pagtuklas ang mga imbentor ng nakalipas na panahon.
Mukhang ang labis na sinuwerte ay si Henry Seely White na diumano’y nakaimbento ng ‘electric flat iron’ noong 1882 at patented ito (June 6, 1882 – U.S. Patent no. 259,054). Ito ‘yung ginagamit ng mga mayroong linya ng kuryente.
(Photo credit to respective netizens who shared)
You must be logged in to post a comment.