Polo ni Francis M na ginamit sa ‘Bagsakan,’ naisubasta na sa presyong ₱620k

Mga larawan mula sa IG/FB ni Chito Miranda

Masaya at punumpuno ng pasasalamat na ibinahagi ni Parokya ni Edgar front man Chito Miranda na naisubasta na sa auction ang isinuot na school polo ng sumakabilang-buhay na Pinoy rapper na si Francis Magalona, sa halagang ₱620,000, na gagamitin sa pagpapagamot ng kanilang kabandang si Gab Chee Kee.

Ayon sa ulat ng Balita, nagkaroon ng inisyatiba ang mga kabanda upang makatulong sa gamutan ng kanilang gitarista, na lumalaban sa sakit na lymphoma.

Matapos magbukas ang auction noong Huwebes, Marso 2, umabot na agad sa ₱550k ang highest bidding sa naturang iconic polo shirt na isinuot ni Francis M sa music video ng awiting “Bagsakan,” ang legendary collab rap song nila ng Parokya at kapwa rapper na si Gloc-9 noong 2009.

Marso 19, inihayag na nga ni Chito na may highest bidder na.

Ang inisyatiba ay para pa rin sa nagpapatuloy na gamutan ni Gab Chee Kee, gitarista ng Parokya ni Edgar na patuloy ang laban sa sakit na lymphoma.

“Maraming salamat sa lahat ng nag-bid para sa polo na ginamit ni Sir Francis Magalona sa music video ng Bagsakan, lalo kay Boss Toyo na nanalo sa bidding, na sya ring nakabili ng polo ni Gloc-9 for ₱80k, at sa polo ko for ₱150k (at yung “Halina sa Parokya” puppets na nabili n’ya for ₱85k),” kuwento ni Chito sa kaniyang latest Instagram post.

Pinasalamatan ni Chito ang biyuda ni Francis M na si Pia Magalona gayundin ang anak nilang si Saab Magalona, dahil pumayag silang ipasubasta ang iconic polo shirt ng legendary rapper, kahit na alam niyang may sentimental value ito.

“Napakalaking tulong nito for Gab kasi lahat ng kinita sa pagbenta ng mga polo ay mapupunta sa kanya.”

“Sobrang salamat din kay Ma’am Pia Magalona sa pag-donate ng polo ni Sir Kiko para kay Gab (alam ko po na sobra yung sentimental value ng polo sa inyo pero pinili n’yo pa ring i-donate para makatulong sa kabanda namin).”

“Gusto ko rin magpasalamat kay @saabmagalona na naging tulay sa pag-coordinate namin kay Ma’am Pia para mahanap yung polo ni Sir Kiko, and aside from that, donated more than ₱300k mula sa shirt company nila na @linyalinya.”

“Grabe kayo.”

“Maraming maraming salamat sa inyong lahat mula sa Parokya, at sa family ni Gab,”  pasasalamat pa ni Chito.

Nagbukas lamang sa ₱100k ang bidding kaya malaking bagay na mas malaki pa sa inaasahan ang highest bidding dito.

Ang iconic polo shirt naman ni Chito ay na-bid sa halagang ₱150k.

Matatandaang ilang serye ng auction na ang inilunsad ng banda para sa pinansyal na suporta sa nakaratay na si Gab, isa na rito ang gitarang may pirma ng mga miyembro ng bandang Eraserheads, na ayon sa ulat ng Balita, ay naisubasta sa halagang ₱1.5M.