Endorser na ngayon! Pinay teenager na nilait dahil sa bag, brand ambassador na

Mga screengrab mula sa IG ni Zoe Gabriel via Charles and Keith/TikTok account ng AirAsia)

Minsan, may mga pangit na karanasang nangyayari sa buhay ng isang tao na nagbibigay-daan pala sa mas magagandang bagay at oportunidad, na hindi aakalaing bigla na lamang susulpot sa hindi inaasahang pagkakataon.

Kagaya na lamang ng Pinay teenager na si Zoe Gabriel, na kamakailan lamang ay umani ng katakot-takot na panlalait at panghuhusga mula sa mga tao, matapos niyang tawaging “luxury” ang isang brand ng bag na kaniyang natanggap dahil iniregalo sa kaniya ng ama.

Ayon sa mga ulat, noong Enero 2023 ay nakutya si Zoe Gabriel ng netizend dahil tinawag niyang “luxury bag” ang kauna-unahang “Charles and Keith” tote bag na nabili niya.

Marami naman sa mga celebrity at karaniwang netizens ang nagtanggol kay Zoe. Ang pagiging ‘luxury’ ng isang bagay kasi ay nakadepende raw sa pagtingin at kakayahang pinansyal ng isang tao. Maaaring mamahalin o luxurious item na ito para kay Zoe lalo’t pinahahalagahan niya ang perang ipinambili niya sa naturang bag.

Ayon pa sa ulat, matapos ang mga nangyaring bashing online, inimbitahan ng Charles & Keith si Zoe sa kanilang headquarters office kasama ang kaniyang ama at binigyan siya ng personalized bags.

Hindi lamang iyan, kinuha rin siyang brand ambassador ng bag na itinaon pa sa pagdiriwang ng International Women’s Day.

Makikita ito sa mismong Instagram page ng naturang brand ng bag.

“Zoe Gabriel, Content Creator and CHARLES & KEITH’s Brand Community Ambassador, with the purple Alia bag,” mababasa sa caption.

“The launch of this special iteration of the Alia bag is in support of UN Women’s ‘Storytelling for Gender Equality’ programme.”

Makalipas lamang ang ilang araw, kinuha naman siyang endorser ng isang airline, na makikita sa TikTok account nito.

“Meet @zoe, our newest AirAsia ambassadress,” saad sa caption ng video.

Mapapanood sa video ang pag-aya ni Zoe sa publiko na tangkilikin ang naturang airline.

Marami naman sa mga netizens ang nagpahayag ng pagbati para kay Zoe. Sa huli, si Zoe raw ang nagtagumpay at hindi ang mga kumuyog sa kaniyang netizens. Ironically, ang mga nang-down sa kanya ang siya pang dahilan kaya’t siya ay napansin!