
Naantig ang damdamin ng mga netizen, partikular na ang fur parents, sa ibinahagi ni Kapamilya singer Jona Viray pagdating sa kaniyang mga alagang pet dogs at cats.
Ayon kay Jona sa kaniyang latest Instagram post, nagdadalamhati siya ngayon sa pagtawid sa “rainbow bridge” ng dalawa sa kaniyang mga alaga; sina Garvy na isang pet dog at Susie naman na isang pet cat.
Halos magkasunod na araw kasi ang paglisan sa mundong ibabaw nina Garvy at Susie. Pahayag ni Jona, akala raw niya ay sanay na siya dahil hindi naman ito ang unang beses na nawalan siya ng fur babies, subalit hindi pa pala.
Kung ano ang naramdaman niyang pagdadalamhati at pagluluksa sa tuwing namamaalam ang kaniyang mga alaga, ganito pa rin ang namamayani sa kaniya ngayon.
Sinariwa ni Jona kung paano napunta sa poder niya sina Garvy at Susie.
“In a span of 4 days we lost 2 pets. Garvy who’s been with us for 8-9yrs, (we named him Garvy kasi nakita siya sa basurahan noong puppy pa siya), and Susie the cat that has literally no voice when we found her (can’t remember why we named her Susie? Basta when we saw her pre pandemic pa wala na rin siyang buntot, tinaga at binuhusan pa yata siya ng mainit na tubig.),” kuwento ni Jona.
Malungkot man dahil tiyak na hahanap-hanapin niya ang presensya ng mga alaga, isang bagay na lamang ang nagpapasaya at nagpapalubag sa kalooban ng singer.
“We actually lost many pets/rescues already, but the feeling is still the same… di naman nababawasan sakit sa puso… Akala mo masasanay ka na pero hindi.”
“The only thing that’s comforting our hearts is at least tapos na yung paghihirap at sakit nila dito…. and they’re in a much better place now…”
“We will miss you Garvy, Susie, Phil, Borlog, Charlie, Kelly, Mami, Baby Girl, Poly, Bumble Bear, Karmencito, Bruno, Titan, Trina, and all our pets who already crossed the rainbow bridge…”
Naantig naman ang damdamin ng netizens at naka-relate kay Jona, lalo na ang certified pet owners, ayon sa ulat ng Balita tungkol dito.
“Sorry for your loss. You are right. We don’t get used to losing our pet. It feels the same every single time.”
“Kaya nga po Miss Jona, pag nawalan ng pet parang bago sa pakiramdam lagi. Yung sakit the same lang din. I just lost my cat yesterday. Ang hirap tanggapin.”
“We keep losing pets and we still get more… because we have a lot of love to give.”
“Naranasan ko rin mawalan ng pet and sobrang sakit kaya I feel you mayora!”
Si Jona, bukod sa fur parent talaga, ay isa sa mga celebrity na nangunguna sa pag-rescue ng stray cats at dogs. Sa katunayan, nagpagawa pa siya ng animal shelter para sa kanila; bagay na isa sa mga naging dahilan din kung bakit siya pansamantalang nagpahinga sa showbiz, ayon sa ulat ng Balita.
You must be logged in to post a comment.