Balikan: Ginagawa n’yo rin bang pera-perahan sa tinda-tindahan ang candy wrappers noon?

Bago nauso ang paglalaro ng computer, cellphone, at iba pang digital games, nauna nang naaliw ang mga batang Pinoy sa iba’t ibang laro na ginagamitan ng creativity at imagination gamit ang mga simpleng bagay.

Magugulat ka na lamang talaga sa pagiging malikhain ng mga bata noon. Palibhasa ay hindi kasing dami ng mayroon ngayon ang maaaring paglibangan dati ng mga paslit, maging ang mga simpleng bagay ay nagagawa nilang laruan. Katulad na lamang ng mga balat ng kendi na ginagamit nila noon bilang pera-perahan sa tinda-tindahan, sa halip na magpabili ng play money sa mga magulang nila.

Sa Facebook page ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahon ng kanilang “naiibang pera-perahan”: ang mga balat ng kendi na kakulay ng mga totoong pera.

“Grabe ang ganito ko noon, isang bag na pera-perahan daw namin hehe,” kuwento ng social media user na si M. A. Forbes tungkol sa libangan nila ng kanyang mga kaibigan noong panahon ng kanilang kabataan.

“‘Pag marami ka n’yan (balat ng kendi/pera-perahan) mayaman ka na,” wika ni S. M. Labuson habang nagbabalik-tanaw sa panahon nila ng kanyang mga kalaro.

“Nakaka-miss,” sambit ni J. Du.

May mga nagbahagi rin na may balat ng kendi rin na katumbas ang mga barya o coins. Katulad na lamang daw ng balat ng kendi na Snow Bear na kung bilangin nila noon ay dalawang piso.


Sabi nga ng mga nagkuwento ng kanilang karanasan, wala naman kasing hangganan ang imahinasyon. Sa mga ganitong laro ay nahasa ang pagiging malikhain at abilidad nilang mga bata noon sa mura edad pa lamang.

Ikaw, kabilang ka ba sa mga nahilig dati sa paglalaro ng tinda-tindahan? Balat din ba ng kendi ang gamit mo noon? Ano ang paborito mong pera-perahan? Ibahagi sa comments section ng post na ito ang iyong kuwento at sabay-sabay tayong mag-throwback!