
Isa sa mga kinakiligang relasyon sa showbiz ay kina Moira Dela Torre at Jason Hernandez dahil bagay na bagay raw sila.
Bukod sa pagiging songwriter, pareho ring singer ang dalawa. Isa nga sa mga sumikat na duet song nila ay ang “Ikaw at Ako” na ginagamit na wedding song at naging isa sa mga soundtrack ng patok na pelikulang “Hello, Love, Goodbye” na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Ayon sa ulat ng PEP, nagkakilala sina Moira at Jason sa isang sikat na kolehiyo dahil magkaklase sila bilang music production students. Naging magbarkada sila hanggang sa maging matalik na magkaibigan. Lumalim ang kanilang ugnayan hanggang nauwi na nga sa pagkakamabutihan ang kanilang pagtitinginan.
Naging trending pa nga ang mismong wedding proposal ni Jason kay Moira na mapapanood sa music video ng awiting “Tagpuan” noong 2018.
2019 naman nang magpakasal sila sa pamamagitan muna ng civil wedding, at pagkatapos ay garden wedding.
Ngunit bandang Abril 2022, nagkaroon ng espekulasyon ang followers sa social media ng celeb couple matapos umanong mapansing burado na ang ilang litrato at video ni Jason sa Instagram account ni Moira.
Agad namang binasag ni Jason ang espekulasyon ng mga tao sa pamamagitan ng isang Twitter post.
“1. We’re still married 2. Hindi nangaliwa si Moira 3. We both support Ms. Leni (Robredo) 4. Walang nagnakawan ng pera 5. God is good.”
Pagpasok ng Mayo, iba na ang naging “himig” ni Jason. Dito na niya inaming hiwalay na sila ni Moira.
Hunyo 3, 2022 binasag ni Moira ang kaniyang katahimikan, ayon sa ulat ng Philstar Life.
“In spite of the pain I’m experiencing, let me set the record straight, while our marriage was not perfect, I have stayed true to my vows and I have never cheated on Jason,” giit ni Moira.
Matapos ang ilang buwang hiwalayan, naging tahimik sa kani-kanilang buhay ang dating mag-asawa.
At ngayong Marso 2023, ayon sa ulat ng Balita ay nakorner ng media press si Jason matapos nitong awitin ang theme song ng seryeng “The Write One” na siya rin ang gumawa. Ang nabanggit na serye ay unang collaboration project ng GMA Network at Viu Philippines.
Kuwento ni Jason, ilang buwan daw siyang nanatili sa El Nido, Palawan. Naintindihan na raw niya ang aktor na si John Lloyd Cruz kung bakit ito namalagi roon, noong mga sandaling pansamantala itong nagpahinga sa showbiz.
Pagbabahagi pa ni Jason, kung pag-uusapan ang emosyon, naka-move on na raw siya sa estranged wife.
Nauntag naman si Jason kung anong masasabi niya sa mga pasaring daw ni Moira sa naging concert nito, na sapul na sapul daw sa kaniya.
Makahulugan naman ang naging tugon dito ni Jason.
“Honestly, tinatanggap ko na lang kasi nagkamali naman talaga ako. I deserve it. May mga details lang na iba, pero okay lang yun. Gano’n kasi ako, eh. Never n’yo maririnig na gaganti ako.”
Ipinagpapasa-Diyos na lamang daw ni Jason ang lahat.
“Naniniwala kasi ako na si God na bahala sa kaniya. Siya na ‘yong mag-aano. I really don’t need to defend…”
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Moira ukol sa mga nasabi ng kaniyang estranged husband.
You must be logged in to post a comment.