
Tagaktak ang pawis at hindi raw nakahinga nang maayos ang isang pari mula sa Kidapawan City. Cotabato nang harangin siya ng mga pulis sa checkpoint habang siya ay tahimik na nagmamaneho ng kaniyang kotse pauwi, mula sa Digos City.
Ang dahilan?
Napansin kasi ng mga pulis ang human-sized na bagay na nasa loob ng kaniyang sasakyan, at balot na balot pa ito.
Kuwento ni Father Jonel Peroy, sinita ng mga pulis kung ano ang laman ng naturang bagay, na kung titingnan nga naman, ay parang mga labi ng isang tao.
Gayon na lamang ang pagkabigla ng mga pulis nang buksan nila ang laman nito, batay sa ulat ng PTV.
Si Hesukristo!
Hindi pala katawan ng tao ang bagay na todo ang balot kundi Santo Entierro na nabili pa ng pari sa Digos City, na gagamitin ng kanilang simbahan para sa nalalapit na Semana Santa.
Ayon sa ulat ng Balita, sa halip na magalit ay nakipagbiruan na lamang daw ang pari sa mga pulis.
“Hindi ko sinalvage si Hesukristo ha!”
Nagtawanan na lamang umano ang mga pulis sabay hingi ng paumanhin sa pari.
Sa Facebook post naman ng nagngangalang “Thristine Sangco,” pinatunayan niyang dumaan nga sa kaniya si Father Jonel at bumili ng rebulto ng Santo Entierro.
“SOLD to Fr. Jonel Peroy of Pres. Roxas, North Cotabato and Fr. Buddy of Braulio E. Dujali, Davao del Norte,” saad sa caption ng kaniyang Facebook post, kalakip ang mga litrato ng Santo Entierro.
Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. Marami ang nagbigay ng papuri sa kapulisan dahil nangangahulugan daw na ginagawa nila ang trabaho nila nang maayos.
“Kidding aside… pero good job sa ating mga kapulisan… ibig sabihin lang ‘yan eh aktibo nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin…”
“Congrats sir police that’s great job… to father buti pinakita mo ‘yan…”
“Performing your duties well! I salute the policemen!”
Sa susunod naman kasi Father, ‘wag mo nang ibalot para kita kaagad! Kudos naman sa kapulisan!
You must be logged in to post a comment.