‘Nahu-hurt din ako’: Hiling ni Ogie para kay Liza, sana hindi na ito magsalita para hindi siya naba-bash

Matapos ang “This is Me‘ vlog ni Liza Soberano kung saan ay nagbigay siya ng update sa kanyang IG followers kaugnay sa mga kaganapan sa kanyang pag-iibang direksyon o ‘rebranding’, sari-saring reaksyon ang inani nito mula sa netizens at sa ilang mga taong naging bahagi ng kanyang showbiz career sa loob ng 11 taon.

Nagsanga-sanga ang mga isyu at kung marami mang pumuri at nagparating ng suporta sa 26-anyos na aktres na ngayon ay endorser at brand ambasssador na rin ng isang digital bank, napakarami din namang tinawag siyang ingrata. Wala umano siyang utang na loob sa mga taong nagdala sa kanya sa kasikatan at nagpabago ng buhay niya.

May ilan pang panayam ang naganap kay Liza at lalong nadagdagan ang mga isyung ipinupukol sa kanya na sinisikap naman niyang sagutin, ngunit tila lalo siyang napupukol sa mga nabibitawan niya.  Bukod sa pagiging ingrata umano nito at walang utang na loob, tinawag na rin siyang plastic at mayabang at hindi naman daw talaga magaling umarte.

Sa pinakarecent na episode ng Ogie Diaz Showbiz Update, ani Ogie, nakakapagod na rin naman ‘yung sagutan  sagutan. Bilang internal na usapin naman yung tungkol sa pag-handle sa kaniya ng Star Magic, ABS CBN at ni Ogie, hindi na sana umano ito tinalakay in public. “At the end of the day, naging Liza Soberano siya, yun ang importante,’ ani Ogie.

Nasabi naman ni Mama Loi na si Ogie ay may kahilingan na sana daw ay hindi na magsalita pa si Liza pagkat ang mga karagdagang nasasabi nito ay  nagiging dahilan lamang para ang aktres ay mas lalong ma-bash ng publiko.

“Alam n’yo po, may chika ako sa inyo. Ang laging sinasabi ni ‘Nay Ogie sana, sana hindi na siya [Liza[ magsalita para hindi na siya naba-bash,” sabi ni Mama Loi. Gusto umano ni Ogie na matigil na ang bashing kay Liza.

Pag-amin naman ni Ogie, “Ako ‘yung tatay e, parang nahu-hurt din ako. Na parang bakit ginaganito ‘yung bata at nagaganito ‘yung bata. Naja-judge agad siya. Dahil kahit naman ako naja-judge din ng mga tao. Pero wala akong pakialam dahil ako ‘yung mas matagal na rito. Mas alam ko ‘yung laro dito sa industriya lalo na sa social media.”

“Karamihan diyan hindi lang mga kapitbahay lang ang marites. Lahat ng may social media, marites. So long as merong nakalagay na comments section na pwede kang mag-comment, nagco-comment ang mga tao kahit hindi nila alam ang puno’t dulo ng lahat. Sumasagot lang naman ako, or sinasagot ko lang kung ano yung para sa akin ay ito yung nangyari, ito naman ang totoo para sa akin, di ba?

 

“Kaya kung may tampo man si Liza sa akin  dahil kung kilala ko yung bata may anggulo siya na parang malungkot, sorry, anak kung in any way ay na-offend kita or feeling mo kinalaban kita or feeling mo kinokontra kita, oo, kasi wala akong matandaan na kinontra kita kundi sinasabi ko lang yung sa alam ko ay totoo,” paliwanag nito.

Marami pang ibang natalakay ang tropa kaugnay kina Liza at sa tila pananahimik ng nobyo nitong si Enrique Gil sa gitna ng pambabatikos na natatanggap ng nobya.

Panoorin: