Pilyang mensahe sa likod ng isang lumang larawan noong 1992, ‘nagpakiliti’ sa netizens

Mga larawan mula kay Chum Chum Lana via FB page na Philippine Old Photos Collection

Naabutan mo ba ang panahong wala pang mas mabilis na paraan upang makipag-usap o makipag-ugnayan sa isang mahal sa buhay na nasa ibang bansa, gaya ng mga OFW, kaya ang gagawin na lamang, magpapadala ng latest na litrato at susulatan ng notes o mensahe sa likod nito?

Kung oo, malamang ay batang 90s pababa ka, dahil ganoon nga ang gawain ng mga magkakapamilya, magkakaibigan, o magkaka-ibigan upang hindi nila gaanong ma-miss ang isa’t isa. Usong-uso pa noon ang tinatawag na “love letters.”

Kaya naman, naaliw ang netizens sa kumakalat na throwback photos mula sa isang nagngangalang “Chum Chum Lana” na ibinahagi naman sa iba’t ibang social media pages, gaya ng “Philippine Old Photos Collection.”

Makikita kasi sa lumang larawan ng kaniyang lola raw ang mensahe nito sa kaniyang lolo noong nasa ibang bansa ito at nagtatrabaho, taong 1992.

Tila “nakiliti” ang imahinasyon ng netizens sa mababasang mensahe rito, lalo na ang bandang huli, ayon sa ulat ng Balita.

Sa unang litrato, makikita ang sinasabing lola ng uploader na kumakain habang nasa isang handaan. Kitang-kita ang malaking pagnganga ng bibig nito habang nakatingin sa camera.

“Ito naman ang kuha ko habang kumakain ako, alam kong kukuhaan ako kaya nilakihan ko ang subo ko,” mababasa rito.

Ang sumunod na mga pahayag ang “hindi kinaya” ng mga nakabasang netizens.

“Darling, pag-uwi mo iba ang isusubo diyan. Ako na lang ang nakakaalam noon, ayos ba?”

“I love you!”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

“Pilyang lola ‘yan ah. May subuan na palang nagaganap noon, akala ko nowadays na lang nagaganap ang mga subuan.”

“Curious ako sa isusubo nyahahaha.”

“Ganyan ang komunikasyon namin ng asawa ko sa Saudi… naalala ko lang. Nakakakilig kasi pareho kaming nagpapadala ng mga medyo wild na pics. Kabado bente ako kasi baka mamaya, nakita na ng kartero ang mga hindi dapat makita haha.”

Well, dahil magkalayo ang ilang mag-irog at mag-asawa, kailangan panatilihing buhay ang ‘kilig’, ‘di ba? Kanya-kanyang kilitian lang yan.  🙂

Pumalo na sa 11k reactions at 2.1k shares ang naturang FB post.