
Pinabulaanan ni Lorna Tolentino ang naging pahayag ng isang lola na si Teodola Galacio na nagsabing kapatid niya ang yumaong aktor na si Rudy “Daboy” Fernandez.
Ipinaampon umano ito ng kanyang mga magulang dahil sa kahirapan noon at walang pinansyal na kakayahan para buhayin ang aktor nang maayos.
Sa panayam ng radio station Brigada News FM noongt Marso 8, sinabi ng 85-anyos na ginang na siya umano ang nag-aalaga kay Rudy noong sanggol pa lamang ito dahil nasa ospital ang nanay nito dahil sa sakit.
Napagdesisyunan umano ng kanyang mga magulang na ipaampon si Rudy sa kanilang kapitbahay, na siya na raw umanong nagparehistro sa yumaong aktor sa kanyang apelyidong gamit, ang Fernandez.
Tinugunan naman ni Lorna ang usapin sa pamamagitan ng eksklusibong pahayag na nakuha ng King of Talk na si Boy Abunda, na isinapubliko ng huli sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, Marso 22. Binigyang-linaw ang isyu sa pamamagitan ng mensaheng ipinadala ni Lorna sa programa na binasa naman sa “Today’s Talk” ni Tito Boy.
“Nakakahiya naman na sagutin pa si lola na lahat ng legal documents ay meron si Daboy, proof na talagang Padilla-Fernandez at baby pictures. Ate Merle is Kuya Rudy’s eldest sister,” ani Lorna at wala umanong katotohanan ang napaulat.
Ganito rin ang pahayag ni Lorna sa panayam ng PEP. Ang wala lang umano ay ang proof ng pagsilang dahil “Hindi pa uso noon ang picture-taking sa loob ng delivery room.”
Sa isang panayam kay Merle Fernandez 14 na taon na ang nakararaan ay ikinuwento nito ang tungkol sa buhay at pag-uugali ng kapatid na si Rudy na itinuring niyang mundo niya pagkat wala siyang asawa at anak. Pati paglilihi ng kanilang ina nang buntis umano ito kay Rudy ay naikuwento nito.
Panoorin: 4:17 part
Bago ang pahayag ng aktres, nagsalita na ang mga anak ni Rudy na sina Mark Anthony at Rap kaugnay sa usapin. Sinabi ni Mark Anthony, anak ni Rudy sa aktres na si Alma Moreno, na kung mapatutunayang totoo ang mga sinasabi ng ginang, dapat niyang makilala ang iba pang mga kapatid ng ama.
Namayapa si Rudy noong 2008 dahil sa sakit na cancer. Ilan sa mga kilalang pelikulang pinagbidahan niya ay ang “Bitayin si Baby Ama” (1976), “Pasukuin si Waway” (1984), “Victor Corpuz” (1987) at “Markang Bungo” (1991), at marami pang iba.
Samantala, ipinahayag ng panganay na anak nina Lorna at Rudy na si Rap na ang naturang impormasyon ay dapat suriin at i-verify muna bago ilathala sa mga platform ng balita.

You must be logged in to post a comment.