Sa kanyang ika-24 kaarawan, Klea Pineda inaming bahagi siya ng LGBT, ‘I have a rainbow heart’

Sa ika-24 kaarawan ng Kapuso aktres na si Klea Pineda ay tapat niyang inamin na siya ay bahagi ng LGBTQIA+ community.

Sa podcast na “Updated with Nelson Canlas,” ibinahagi ng aktres kung kailan niya nalaman na siya ay lesbiana at kung paano nalaman ng kanyang pamilya.

“I’m proud na sabihin sa lahat ng mga Kapuso natin na I’m gay. I have a rainbow heart,” wika ni Klea.

Kuwento ng aktres, natatakot siya noong una – lalo na sa mundo ng industriya – na lumabas ang totoo at ang tunay niyang kasarian pagkat baka maapektuhan nito ang kanyang trabaho.

“‘Yung takot, nandidiyan siya parati pero mas nangingibabaw ‘yung excitement. For the longest time nagbe-base ako sa mga tao kung sino talaga ako,” aniya.

“Ito ‘yung masasabi ko na sa akin, na ako ‘to, and I’m proud na ito ako,” dagdag pa aniya.

Tungkol naman sa kanyang trabaho sa showbiz, sinabi ni Klea na wala siyang problema na may nakaka-partner o love team na lalaki.

“Kaya ko pa naman makipag-kissing scene sa lalaki, hindi ko nililimit ‘yung sarili ko when it comes to my work,” ani Klea.

Sa kanyang Instagram account ay ipinagmamalaki na niyang ibinahagi ang tunay niyang nararamdaman.

“My 24th birthday is extra special since I finally mustered up the courage to come out to the world as my true authentic self,” sabi niya.

“I want the world to know that I am a proud member of the LGBTQIA+ community.”

Sinabi ng aktres na alam niyang hindi lahat ay mauunawaan ang kanyang desisyon sa kanyang pag-amin.

“Alam ko mahirap at nakakatakot, but please know na walang mali sa atin at walang kulang sa atin kahit pa magpakatotoo tayo. Marami man ang manghusga, mas marami pa rin ang tatanggap at magmamahal sa’yo nang buong-buo,” saad ni Klea.

Tiniyak din ni Klea sa kanyang mga tagahanga na siya pa rin ang Klea at hindi siya mapipigilan ng kanyang sekswalidad sa pagtupad ng kanyang mga pangarap.

“From now on, I want to live my life fearlessly. Sana samahan nyo ako sa paggawa ng sarili kong kwento na alam kong tunay na magpapasaya sa akin.”

Bumuhos naman ang suporta at pagmamahal ng kanyang mga followers at kaibigan.

Samantala, masaya naman ang ina ni Klea sa paglabas at pag-amin nito sa publiko na siya ay bahagi ng LGBT at bumati pa nga sa kaarawan nito.

“Happy birthday my first born. Always proud of you, we love you so much!” mababasa sa post ng mommy ni Klea.

“Sana napasaya ka namin sa araw mo!” dagdag pa ni Charito na may kalakip na rainbow emoji.