
Halos dalawang dekada ng buhay ng aktres na si Kiray Celis ang iginugol niya bilang talent ng ABS-CBN bago ito nagpasyang lumipat sa GMA.
Sa kanyang recent guesting sa Just In, binalikan ni Kiray sa panayam sa kanya ni Paolo Contis ang dahilan kung bakit niya iniwan ang pagiging isang Kapamilya sa loob ng 19 na taon para maging isang Kapuso.
“Kasi na-feel ko na parang—actually ng parents ko—na wala na akong work. Akala ko noon busy ako kasi nga ang dami kong ginagawa. ‘Yon pala, sa movie na lang ako. Wala na akong TV show,” aniya.
Nagkataon naman na nagkaroon ng offer sa kanya ang GMA, “Sabi ni Mama, merong in-offer sa amin ‘yong GMA na show. Sabi niya, ‘Tara, lipat ka na rin.’ Parang nag-aalangan ako kasi parang comfort zone ko na ‘yong ABS, e, saka wala akong kilala sa GMA.”
Marami raw ipinangamba ang aktres noon dahil nakasanayan na niya ang dating home network.
“Though may mga kaibigan ako taga-GMA. Pero paano? Parang bagong bahay, e. Parang magsisimula ulit ako from the start. Magiging zero ako ulit,” wika ng aktres.
Ngunit ipinaalala raw ng kanyang ina ang dahilan kaya siya pumasok sa showbiz, “Sabi niya, ‘Hindi naman na ‘yon mahalaga sa ‘yo, ‘di ba, basta may pera lang tayo.’”
Doon bumalik si Kiray sa simula at inalala na hindi naman niya kailanman hinangad na sumikat. Ang tanging gusto niya lamang ay makatulong sa kanyang pamilya.
“Hindi ko pangarap sumikat. Gusto ko lang talaga makatulong sa family ko. Gusto ko, pera lang para sa pamilya ko,” pag-amin niya.
Ito rin daw ang dahilan kaya tinatanggap ni Kiray ang mga supporting role at hindi siya namimili, “So, kahit hindi ako bida, so kahit anong role, hindi ako namimili. ‘Yong basa-basa ng script, ‘Babasahin ko muna bago ko tanggapin.’ Hindi kami nagbabasa. Basta go! Basta may work, gano’n talaga, as in.”
Panoorin ang buong interview kay Kiray sa Just In:
You must be logged in to post a comment.