Kiray Celis aminadong napupunta sa pamilya ang kita: ‘Gusto ko maging okay muna yung ng family ko’

Aminado ang aktres na si Kiray Celis na napupunta ang malaking bahagi ng kinikita niya sa kaniyang pamilya.

Sa panayam ni Paolo Contis kay Kiray sa YouTube channel ng GMA Sparkle Artist Center ay sinabi ni Kiray na gusto muna niyang masigurado na maayos ang buhay ng pamilya niya.

“Lahat ng pera ko, nasa kanila. Lahat ng work ko, nasa kanila. Na kay mama, na kay papa. So kapag meron lang akong mga raket-raket, mga pa-post sa Facebook, ‘yun na lang ‘yung sine-save ko sa sarili ko. Kasi gusto ko maging okay muna yung buhay ng family ko bago ako maging okay,” paliwanag niya.

Nang tanungin kung para sa kaniya ay hindi pa okay ang buhay ng kaniyang pamilya, sinabi niyang hindi pa iyon ang gusto niya para sa kanila.

“I want more. Kasi nung nabilhan ko ng bahay ‘yung parents ko, akala ko dun matatapos ‘yung pangarap ko. Kasi nung bata pa ako, pangarap ko sa kanila, bahay. Pero nung natupad ko yun, kaya ko pa palang mangarap nang marami kaya hanggang ngayon, nakaka-tatlong lupa na ako para sa Mama’t Papa ko, aside sa bahay namin.”

Sinabi niya rin na nagdesisyon siyang lumipat sa GMA dahil wala na siyang nakukuhang TV shows.

“Akala ko noon, busy ako kasi ang dami kong movie na ginagawa. Yun pala, sa movie na lang ako. Wala na akong TV show so sabi ni Mama, merong in-offer sa amin yung GMA na show….” pagbabahagi niya.

Aminado rin siya na hindi mahalaga sa kaniya ang kasikatan dahil ang gusto niya lang ay magkaroon siya ng pera para makatulong sa pamilya.

“Sabi ni Mama, kung takot ka mawalan ng career, hindi naman na ‘yun ‘yung mahalaga sayo ‘di ba? Basta may pera lang tayo. Kasi umpisa pa lang, hindi ko pangarap sumikat, gusto ko lang talaga makatulong sa family ko. Gusto ko pera lang talaga para sa pamilya ko. So kahit hindi ako bida, kahit anong role, hindi ako namimili. Basta may work, kasi pangangailangan talaga e.”