Panoorin: Honesty fruit store ng isang sekyu sa Cavite, naghahatid ng good vibes

Ang mga magaganda at nakaaantig na kuwento ng buhay ay patunay na marami pa ring mabubuti sa mundol gaya na lang ng kuwento ni Manong Guard na ibinida ni Vicky Morales, sa ‘Good News’ segment ng GMA Network.

Ayon kay Morales, kinatutuwaan sa Noveleta, Cavite ang isang tindahan ng prutas dahil sa heartwarming nitong background. Ang tindero at siyang may-ari nito, bigla-bigla na lang umanong umaalis! Walang naiiwang bantay!

Sa fruit store ni manong na nakilalang si Rodnie Pampag ay ang mga mamimili mismo ang siyang magtitimbang, magbabalot, magbabayad at magsusukli! Buong tiwala itong sinimulan ni Manong noong 2020.

Ano naman kaya ang kanyang inspirasyon sa pagbuo ng negosyong nito? 

Aniya sa feature ng Good News, sa dalawampung taon niyang paglilingkod bilang isang security guard, panata na niya ang maging isang mabuting ehemplo. Lagi daw niyang bitbit ang pinakamalakas niyang armas — ang bibliya! Isinasabuhay niya umano ang mga natututunan niya mula rito.

Ang paniniwala kasi ni Manong Rodnie kapag mabuti ka sa kapwa mayroon itong good karma. Kaya naman dito niya naisipang magtayo ng isang honesty store, bagama’t hindi ito naging madali noong simula. Hindi nga raw dito sang-ayon ang kanyang maybahay noong una dahil hindi nga ito pangkaraniwan. Ipinaliwanag ni Manong Rodnie sa asawa na kailangan nilang magbigay ng tiwala sa kanilang kapwa.

Hindi naman sila nabigo pagkat kumita naman ang kanilang negosyo. Marami pa rin talagang mapagkakatiwalaang tao.

Malapit lamang sa pinagtatrabahuhang clinic ang kanyang fruit store kaya’t kapag breaktime ay nakapagde-deliver pa ito ng mga prutas sa mga umoorder. Marami na rin siyang suki kaya’t tiwala siyang nagpatuloy. Malaking tulong din kasi para sa kanilang pang-araw-araw ang kinikita rito.

Sinubukan ng Good News na tignan ang galaw ng mga mamimili dito sa pamamagitan ng paglalagay ng hidden cameras. Aba, hahangaan mo naman ang mga suki niya! May mga pa-‘keep the change pa.’

Good karma nga naman para kay Manong Rodnie na malakas ang kapit sa itaas!

Panoorin at maki-good vibes kay Manong guard: