‘Grilled balut’ vendor tumigil muna sa pagtitinda, naaawa sa mga nagbebenta ng ‘orihinal’ nito

Mga larawan mula sa FB ni Zereen Xylex Gonzales Atienza via Balita

Hindi maipagkakailang bentang-benta ngayon ang bagong inobasyon pagdating sa pagkain ng patok at sikat na balut—ang grilled o inihaw na balut. Sa iba’t ibang lugar na yata sa Pilipinas ay may kagaya na ng  isang “viral post” na agad na nagsulputan at nagsigayahan.

Mas malalasahan pa ang linamnam nito sa mga sawsawan gaya ng sweet chili sauce o jam.

Naitampok na rin dito sa DF News ang isang grilled balut stall sa Cebu na kinaaliwan dahil sa tarpaulin nito. Sila mismo ang nagpatunay na talagang malakas ang bentahan nito sa merkado dahil sa kakaiba at kumbaga, “maiba” naman mula sa tradisyonal o “orihinal.”

Kaya naman, trending ngayon ang Facebook post ng isang grilled balut vendor na nagngangalang “Zereen Xylex Gonzales Atienza,” na sa halip na ipagpatuloy ang pagtitinda ng grilled balut habang sikat na sikat at nasa hype pa, mas pinili nitong makisimpatya sa mga “original” at traditional vendors dahil wala na silang naibebenta kaya’t nalulugi.

Kuwento ni Zereen, naawa siya sa mga katabing magbabalut na hindi na makabenta dahil mas hinahanap at dinaragsa ng mga tao ang grilled balut.

Mababasa sa FB post niya, “Grilled Balut is now Signing Off!!”

“Yung nag-open ka ng business at sumabay sa uso, pero malambot ang puso mo.”

“This past few days super natutuwa talaga kami kasi napakaganda ng feedback na natatanggap namin dahil masarap daw yung grilled balut namin. Nandun pa rin yung sabaw, at super nagustuhan n’yo yung Sweet Chili Jam. Super dumog ng tao kanina hanggang sa napilitan na kami mag-close kahit di pa ubos kasi hindi na namin kinaya…” anang grilled balut vendor.

Subalit habang naglilinis at nagliligpit na nga sila, hindi nila naiwasang tingnan ang mga katabing balut vendors, na hindi gaya nila, ay nagtitinda sa tradisyonal na paraan.

“….habang naglilinis kami ng gamit nakita namin yung mga magbabalut na naka-motor na nag-uuwian na nang maaga kasi wala halos bumibili sa kanila na dati-dati ay hinahabol namin. Kitang-kita yung lungkot.”

“So ayun po, thank you po sa experience, thank you sa suporta! Focus na din po sa work, pero sa mga taong nagustuhan ang Sweet Chili Jam! don’t worry, soon magbebenta po kami. Puwede niyo ihalo sa binili n’yong balut kay manong. LOVE YOU EVERYONE!!!!

Sa ulat ng Balita, isinalaysay ni Atienza na nagsimula silang magtinda ng kaniyang mister ng grilled balut noong Huwebes, Marso 24, matapos umano silang mahikayat dahil sa trending ito sa TikTok.

Malakas at mabenta talaga ito subalit nangibabaw ang simpatya nila sa mga kapwa OG balut vendors. Kaya napagdesisyunan na lamang nilang itigil ito.

Ang iba sa kanila ay puwedeng inutang lamang ang pamuhunan para dito.

Ang desisyong pagsasara ng kanilang grilled balut business para sa mga OG balut vendors ay hindi raw nangangahulugang hindi na nila suportado ang mga nagtitinda ng grilled balut.

“Support pa din po natin ang ibang naggi-grilled balut. It depends pa rin po talaga sa mga tao if ano want nila, OG balut or ‘yung grilled balut, basta masarap papatok naman po sa tao lahat.”

Sa ngayon ay focus umano nilang mag-asawa ang kanilang sweet chili jam dahil sa ito rin daw ang pinakadinagsa ng kanilang customers.