
Patok na patok ngayon ang “grilled balut” o inihaw na balut na isa sa mga natuklasang inobasyon ngayon pagdating sa Pinoy delicacy na ito.
Kung dati ay sanay tayong inilalako tuwing gabi o kaya naman ay nasa loob lamang ng isang basket ang mga balut, aba’y ngayon, normal na lamang na makakitang iniihaw ito, na sasamahan pa ng special chili sauce.
Kaya naman, kaniya-kaniyang paraan at gimmick ang balut vendors kung paano makukuha ang atensyon ng mga suki dahil nga sa “tumitinding” kompetisyon sa pagbebenta nito.
Kung diskarte at gimmick lang din ang pag-uusapan, isa sa mga kinagigiliwan ngayon ang nakakatawang business tarpaulin ng balut vendor na si Lloyd Torrefiel mula sa Cebu, kung saan makikita ang litrato ng isang batang babaeng nakalabas ang dila.
Ang naturang batang babae ay kaniya palang anak noong apat na taong gulang pa lamang ito, ayon sa ulat ng Balita. Naisip nilang ilagay ang mukha nito sa tarpaulin para mas makahikayat ng mga mamimili, at mukhang hindi naman sila nabigo dahil nag-trending kaagad ito sa Facebook.
Anim na taon na raw silang nagtitinda ng balut, penoy, siomai, at chili garlic sauce. Pero dahil nga patok ngayon ang grilled balut, sinubukan din nila ito.
Sa presyong ₱35 ay may grilled balut na, may espesyal pang chili garlic sauce na sila mismo ang may gawa. Puwede rin itong mabili nang bukod sa presyong ₱55.
Makikita ang puwesto ni Torrefiel sa Cebu Carbon Market tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo mula 3:00 ng hapon hanggang 12:00 ng madaling-araw kung saan mas mabenta at malakas ang balut.
Hindi makapaniwala si Torrefiel na papatok sa netizens ang mukha ng kaniyang anak sa tarpaulin ng kanilang food stall.
Ang balut o fertilized developing egg embryo ay pinakuluan o nilaga at kinakain na mismo habang ito ay nasa shell pa, bagama’t sa mga Kapampangan, inilalagay ito sa isang ulam o putahe bilang sahog. Ito ay sikat na street food sa South China at Southeast Asian countries, gaya ng Pilipinas, Cambodia, at Vietnam. Ang Pateros ay tinaguriang “Balut Capital” ng Pilipinas.
Pero hindi lahat ay kumakain ng balut. Ayon pa nga sa Taste Atlas, kabilang ang balut sa “worst food” sa Southeast Asia, ayon sa ulat ng News 5.
You must be logged in to post a comment.