‘His last hurrah’: David nakatakda nang iwan ang showbiz kung ‘di nagtagumpay sa Maria Clara at Ibarra

Isa sa mga remarkable actor sa historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra ang gumanap sa karakter ni Fidel na si David Licauco, ngunit alam ba ninyo na muntik nang iwanan ng aktor ang showbiz kung hindi dahil sa tagumpay ng nasabing serye?

Ayon sa talent manager ni David na si Arnold Vegafria, ang Maria Clara at Ibarra na sana ang kanyang “last hurrah” dahil nauna na itong nagdesisyong huminto dala ng pakiramdam na stagnant ang kanyang karera bilang aktor.

“He was thinking of focusing on his businesses instead. He felt that nothing was happening with his career, that it’s stagnant, not moving. He has been raring to do lead roles in a soap opera but he couldn’t land any. ‘Maria Clara at Ibarra’ was supposed to be his last hurrah,” saad ni Vegafria sa isang panayam sa ilang mamamahayag, ayon sa ulat ng CDN Life!

Sa katunayan, muntik pang hindi tanggapin ni David ang role kung hindi lamang sila nakumbinsi ng management.

“GMA 7 managed to convince us. And we’re like, ‘OK, why not give it a shot? Let’s see…we might get lucky this time,” wika ng head ng management company na ALV Talent Circuit.

And the rest is history!

Tambalang ‘Filay’

Matatandaang hindi inasahan ng lahat ang paghi-hit ng tambalan nina David at Barbie Forteza na Filay o ang pinagsamang pangalan ng mga karakter na ginagampanan nila sa nasabing serye na Fidel at Klay. Sa gitna ng popularidad nito, nakapanayam ng beteranong host na si Boy “Tito Boy” Abunda ang dalawa bago pa magwakas ang kanilang hit television program.

Isa sa mga tanong ni Tito Boy na kinakiligan ng madla ay kung posible kayang mauwi sa totohanan ang lahat kung walang kasintahan si Barbie na ngayon ay karelasyon ang isa pang Kapuso actor na si Jak Roberto. Ang “hypothetical question” na ibinato ni Tito Boy kay David, liligawan ba nito si Barbie kung nagkataong pareho silang single.

“I like smart, go-getter na babae, cute girls, simple lang,” tugon ng aktor. “Gano’n si Barbie.”

Dahil hindi naging malinaw kung “yes” o “no” ang tugon ni David, kinulit siya ni Barbie kung ano at sinabi naman nito na oo.

[RELATED – David Licauco liligawan ba ang ka-love team na si Barbie kung wala itong kasintahan?]

Pagkatapos ni David, tinanong naman ni Tito Boy si Barbie kung sasagutin ba naman nito si David kung sakaling hindi sila magkarelasyon ni Jak.

Tugon ng aktres, “Siguro ‘pag mas nakilala ko pa siya deeper. ‘Pag naging close siya sa family ko and all.”

“‘Yong talagang ‘pag nalaman kung paano siya manligaw, maybe I’ll have answer then. But now we’re really good friends,” pagpapatuloy pa ni Barbie.