Cristy Fermin kay Dennis Padilla sa pagbati kay Julia sa kaarawan nito, ‘Sana itigil muna niya’

Ang showbiz reporter na si Cristy Fermin, kasama sina Romel Chika at Wendell Alvarez, ay nagbigay ng opinyon sa mga post ni Dennis Padilla kamakailan nang batiin nito ang anak na si Julia Barretto.

Sa mga nasabing post, ipinahayag ni Dennis ang kanyang birthday wishes para kay Julia, na 26-anyos na noong Marso 10.

Basahin: Dennis Padilla muling binati si Julia sa kaarawan nito, ‘Happy birthday anak!!’

Sa pinakabagong episode ng “Showbiz Now Na,” ibinahagi ni Nay Cristy at ng kanyang mga co-host ang kanilang saloobin sa hindi umano pagsagot o reply ni Julia sa ama.

“Natural po, yung mga kampi kay Dennis, lalo na ‘yung mga kaibigan niyang artista rin, masama ang loob doon sa mga bata. Kasi eto na ‘yung ama ninyo nagpapakumbaba na, talagang siya na ang nagri-reach out, siya na ang lumalapit sa inyo, pero eto kayo, kababata n’yo pa lang ganito na ang ginagawa n’yo sa magulang n’yo,” saad ni Cristy.

“Pero ‘yung mga kampi naman sa magkakapatid, ‘Nasaan ka kasi noon nu’ng kailangang-kailangan ka ng mga anak mo? Wala ka naman,” dagdag pa nito.

“At saka, Nay, wala talaga tayong alam kung ano talaga ang puno’t dulo nito at gaano kalalim ang sugat na dulot nito,” pahayag naman ni Romel.

“Marami kasing katanungan tungkol sa kanila e,” sabi naman ni Wendell.

Higit pa rito, ipinahayag ni Cristy ang kanyang paniniwala na napakasakit para kay Dennis na hindi raw pinansin ni Julia ang kanyang birthday greeting.

“Napakasakit para sa isang ama na tulad ni Dennis Padilla at sa kanyang paryentes, sa kanyang kampo ‘yung hindi man lang pinapansin ng mga anak ang kanyang pagbati.”

“Pero sa isang banda, tama ka rin,” saad ni Cristy kay Romel. “Na sana itigil muna niya.”

“Baka sakaling ma-miss ng mga anak niya. At maisip nila, ‘Nasaktan na nang husto si Papa. Baka panahon na para sagutin na natin ang kanyang mga pagbati,” dagdag pa ng Talk show host.

Panoorin: