Bela Padilla kinabahang idirek ang veteran actress na si Lorna Tolentino

Inamin ni Bela Padilla na nakararamdam siya ng kaba habang dini-direct ang mga eksena ng beteranang aktres na si Lorna Tolentino sa pelikulang Yung Libro Sa Napanood Ko.

Sa grand mediacon ng pelikula, ibinahagi ni Bela na hindi lamang niya ipinahahalata ngunit kabang-kabang siya bilang direktor ni Lorna, na gumaganap na nanay ng karakter niya sa official entry ng VIVA Films sa first Summer Metro Manila Film Festival.

“Hindi ko ipinapahalata pero kabang-kaba ako kapag nasa set si Ms. LT kasi gusto kong maging professional,” wika ng aktres na first and only choice daw si Lorna sa nasabing role.

Ngunit lalo lamang daw siyang humahanga habang katrabaho ang beterana.

“Pinadali po niya ang buhay ko,” dagdag niya.

Talaga raw na-witness ni Bela ang husay ni Lorna sa pag-arte. Hindi na raw nito kailangan mag-concentrate o mag-internalize pa bago ang kanilang mga eksena. Kayang-kaya raw nitong sumabak sa pag-arte kahit biglaan pa.

“Si Ms. LT, may isang eksena kami na nagkukuwentuhan bago mag-take kasi ang akala ko matagal pa ‘yong setup. So, nagkukuwentuhan kami sa rooftop tapos tinawag na kami ng DOP [director of photography] na okay na. Naka-setup na, puwede nang pumasok si Miss LT sa eksena,” kuwento ng aktres tungkol sa isang pangyayaring naipamalas sa kanya ni Lorna ang galing.

Tinanong daw niya ito kung kailangan ba nito ng kaunting panahon para sa nasabing eksena pero wala raw problema rito at nagpatuloy pa rin sa kanyang trabaho.

“I remember asking her, ‘Do you want a moment? Gusto mo bang magpatugtog ako ng music?’ Sabi niya, ‘Hindi. Okay lang.’ Pag-action, tumulo agad ‘yung luha niya, samantalang everyone is so well-prepared at talagang magagaling,” pagpapatuloy ng actress-director.

Panoorin ang trailer ng pelikula na “Yung Libro Sa Napanood Ko”, na pinagbibidahan nina Bela Padilla at Yoo Min-Gon at kinabibilangan ni Lorna Tolentino: