‘Bakit kaunti na lang ang nagpapahalaga sa iyo?’ Netizen nagpabalik-tanaw sa formal theme books ng nakaraan

Napamuni-muni ang maraming netizens sa post ni ka-FB Alvin Gantalao kung saan ay ibinahagi niya ang isang larawan ng formal theme books na naging bahagi ng ating pag-aaral noong high school.

Aniya, “Bakit ka kaya inalis at hindi na binigyang halaga?

“Alam mo ba nang dahil sa iyo, natuto ako kung paano magsulat nang may tamang baybay, sukat at parirala. Ang tamang paggamit ng kung at kong, rin at din, nang at ng. ‘

“Dahil sa iyo natuto akong lumikha ng sarili kong panitikan at naipahayag ang saloobin at ideya.

Bakit ka kaya nawala? Bakit kaunti na lang ang nagpapahalaga sa iyo? Papaano na ang mga kabataan ngayon na hindi na naranasan na sulatan ka?

Marami na sa kanila ang hindi alam ang tamang indention, comma at period, margin. Bakit kaunti na lang ang nagpapahalaga sa iyo? #Angformaltheme”

Dahil sa tila simpleng post na ito ay hindi naiwasan ng ilan na magbahagi ng obserbasyon. Umabot sa 32K ang nag-react at mahigit 47K ang nag-share ng kanyang saloobin.

“Ni hindi nga marunong gumawa ng simpleng pangungusap..” – ito ang sentimyento ng isang netizen na umaayon sa saloobin ni Alvin.

Sa ibinahagi naman ni May1Magingay sa Reddit, medyo kwela ang kanyang caption. “Alam mong matanda ka na kapag yung formal theme na iniiyakan mo dati kaya nang tapusin ng kompyuter (AI) ngayon in less than 10 mins. “Kaka-computer mo yan”. – mama mo”

Kung gaano daw kahirap magsulat “in cursive form’ na nire-require ng  mga guro noon sa formal theme book, siya namang dali ngayon dahil panay tipa ka na lang at madaling mag’bura’ (delete) kapag may mali, ayon sa mga nagkomento.

Hindi kasi lahat ay biniyayaan ng talento sa magandang penmanship?

“Sobrang naenjoy ko to. Lalo na pag maganda yung topics na binibigay for our formal writing classes. Nainis lang ako dito sometime nung grade 4 or 5 ata na required cursive writing sa pagsusulat dito.”

“Yung kaya lang naman nakalamang sakin ng score yung kaklase ko ay dahil maganda syang mag cursive kahit pa pangit ang content nung sinulat nya.”

“Ang nakakainis, dahil conscious ka sa penmanship mong pangit, minsan nadidiskaril yung train of thought mo at yung maganda sanang naisulat mo nakalalimutan mo.”

Sa panahon ng digital age, kapuna-puna na maraming kabataan ang ‘jejemon’ magpahiwatig ng kanilang kaisipan o saloobin na parang walang pakundangan sa kung mali ba o tama ang mga salitang tinitipa sa keyboard. Kapag may mga eksamin sa paaralan na nangangailangan ng ‘essay’ na pagsagot, sumasakit ang ulo ng mga guro na nagche-check ng kanilang output.

Marahil ang mga mahuhusay na lamang sa pagsusulat ay yaong mga mahilig magbasa?  Hayyyy…bakit nga ba nawala sa paaralan ang mga formal theme books na iyan? sabi naman ng iba.

Ikaw, naniniwala ka bang isa itong nakabubuting gawain sa paaralan?