
“Man’s bestfriend” ang turing ng mga tao sa pet dogs.
Bukod sa pusa, ang mga aso na yata ang isa sa pinakatipikal na ginagawang alaga; hindi lamang sa pagiging tagapagbantay nito sa bahay kapag aalis ang amo, o kaya naman ay tagatahol kung may ibang tao o magnanakaw na magtatangkang pasukin ang teritoryo, kundi sa simpleng nakakawala sila ng stress at pagod lalo na’t kapag naglalambing na.
Biro nga ng iba, kaya raw nag-alaga ng aso ay para may magbantay sa bahay. Pero sa pagdaan ng mga araw, hindi ka rin makaalis nang matagal mula sa bahay o makapagbakasyon nang mahaba-habang panahon kung walang magbabantay o magpapakain sa fur babies.
Kaya ang iba, no choice kundi isinasama na rin sila sa mga lakaran. Nakakikita tayo ng pet dogs na kadalasang isinasama sa malls at iba pang establishments ng kanilang fur parents dahil walang mapag-iiwanan sa kanila.
Kaya naman, kinaaliwan at kinaantigan ng netizens ang isang litratong ibinahagi sa Facebook page na “ASPIN LOVERS PHILIPPINES” kung saan makikita ang isang asong nasa harapan ng kaniyang among nagmamaneho naman ng tricycle.
“Humawak ka maigi doggy… nakita ko lang at natuwa ako dahil twice ko na po sila nakikita na ganyan…” saad sa caption ng Facebook page member na si “Jenny Pangilinan.”
Hindi naman tiyak kung namamasada ba ang driver o for family use ang naturang tricycle. Ang nakaaaliw kasi rito, kitang-kita tila nakangiti ang aso at behave na nakahawak pa upang hindi mahulog.
Sa ulat ng ng Balita, ibinahagi umano ni Pangilinan sa isang panayam na nakuha niya ang larawan noong Huwebes, Marso 16, sa Subic-Castillejos.
Napitikan lamang niya ang naturang eksena habang nakasakay sila sa isang pampasaherong jeepney ng mga anak niya. Natuwa siya nang labis dahil dog lover din siya.
“Nakasakay po kami ng mga anak ko sa jeep. Papunta kami sa school nila, somewhere in Castillejos. Then, hayan po sila kasunod namin sila sa jeep,” aniya.
“Natuwa po ako kasi I’m a dog lover, and kahit sino po matutuwa when you figure it out na (he’s) riding with his family and napaka-behave niya.”
Umani rin ito ng magagandang komento mula sa netizens, na makikita sa comments section ng Facebook page.
“Cute cute parang bata hehehe…”
“Naka-smile si doggie!”
“Dapat ganyan lahat ng may alagang aso, treat as miyembro ng family.”
“Dapat ganito sa HARAPAN nakasakay safe hindi sa likuran at nakatayo pa pasikat lang kasi yung iba eh.”
Habang isinusulat ang artikulong ito, pumalo na sa 17k ang reactions nito, 328 comments, at 470 shares.
You must be logged in to post a comment.