
“Grabe ka, Lola Gets!”
Kinabiliban ng netizens ang isang 73 taong gulang na lola matapos nitong ibida ang pagkembot at paghataw sa pinasikat na novelty song ni “Wowowin” host Willie Revillame na “Giling-Giling.”
Sa video na inupload ni Glenda Sardido Dandan ay makikitang laban na laban si “Lola Gets” sa paghataw at paggiling.
“Lola Gets @73,” sey sa caption.
Mapapanood sa TikTok video na talaga namang kayang-kaya pang magtaas-baba ni Lola Gets at tila wala pang iniindang kahit na anumang pananakit ng kasu-kasuan dulot ng kaniyang edad. Mukhang sanay sa paggiling?
Sa panayam ng Brigada News FM kay Lola Gets, ibinahagi niyang bata pa lamang siya ay sadyang pantay na ang mga paa niya sa saliw ng musika. Likas na talento niya ang pagsasayaw. Sa katunayan, lumahok pa siya sa “Women’s League” at nanalong “Star of the Night.”
Naging tulay rin umano niya ang pagsasayaw upang kumita ng pera at may maipantustos sa pamilya. Siya ay nagtrabaho bilang cultural dancer at fire dancer sa Kyoto, Tokyo, Osaka, at Yokohama, Japan circa 1982.
Nang bumalik sa Pilipinas, nanilbihan itong kasambahay kina Glenda. Sa tagal ng paninilbihan ni Lola Gets sa kanila, itinuring na nila itong tunay na kapamilya na naghahatid ng ngiti at saya.
Wish daw ni Lola Gets, sana ay mapanood ni Willie ang kaniyang TikTok video. Nais din niyang makasama sa paghataw ng Giling-Giling ang TV host.
Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
“Galing ni Lola!”
“Buti pa si Lola magaling humataw, ako, parehong kaliwa ang mga paa ko.”
“Namiss ko tuloy bigla ang lola ko!”
“Tama ‘yan, enjoy life, lola! Yung iba kasing mga kasing-edad mo, nagiging emosyonal at naghihintay na lang ng araw na kukunin na sila ni San Pedro.”
Bukod sa kanta ni Willie, makikita rin sa TikTok ni Glenda ang pagsayaw ni Lola Gets ng mga awiting pinasikat ng Sex Bomb Dancers.
Kamakailan lamang ay naging guest siya sa “Dapat Alam Mo” at nakasabay sa pagsayaw ang isa sa mga host nitong si Kuya Kim Atienza. Mapapanood ang ilang video sa Instagram.
You must be logged in to post a comment.