Vilma Santos ibinida sa Instagram ang apong si Baby Rosie: ‘Momsie Vi loves you so much’

May sweet na mensahe si Vilma Santos para sa kaniyang unang apo kay Luis Manzano na si Isabelle Rose o ‘Baby Rosie’.

Ibinahagi ng ‘Star for All Seasons’ sa Instagram ang cute na larawan ni Baby Rosie nitong Huwebes, Pebrero 2, ilang araw matapos tuluyang ipakita sa publiko nina Luis at Jessy Mendiola ang buong mukha ng kanilang anak.

“Welcome to the world baby Rosie! Momsie Vi loves you so much. Proud of you!!!” caption ni Ate Vi sa kaniyang Instagram post.

“Sooooo adorable. God bless you always my baby Peanut. I love you!” dagdag pa ng premyadong aktres.

Tila excited talaga si Ate Vi sa kaniyang unang apo dahil napakasarap daw sa pakiramdam na mayroon na siyang baby girl na aalagaan ngayon.

“Heaven ang pakiramdam… Dalawang boys ang anak ko [Luis and Ryan Christian], barako ang pakiramdam, pero ngayon may girl na!” wika niya sa naunang panayam noon.

“Sarap sigurong ayusan,” dagdag pa ni Ate Vi.

Magugunitang noong Disyembre 29 pa nanganak si Jessy at Enero 7 naman nang pormal nilang ianunsiyo ito sa publiko.

Subalit ilang linggo ring itinago ng mag-asawa ang mukha ni Baby Rosie at kung may mga larawan man silang ibinabahagi sa social media ay tinatakpan nila ito ng emojis.

Dahil dito, na-bash pa ang mag-asawa ng mga ‘Marites’ na nagtatanong kung bakit daw kailangan pang itago ang mukha ni Baby Rosie.

May mga nagsabi pang ‘kaartehan’ lang nina Luis at Jessy ang desisyon nilang wala munang ‘face reveal’ ang kanilang anak.

Subalit sinagot lahat ni Luis ang kanilang mga bashers lalo na ang nag-iiwan ng hindi magandang komento tungkol kay Baby Rosie at sa posible raw na pangit ang hitsura ng bata.

Nitong Enero 29, tuluyan nang ipinakita ng aktor sa social media ang mukha ng kanilang anak kasabay ng pagdiriwang ng first month anniversary ni Baby Rosie.