Sen. Risa Hontiveros, naghain ng resolusyong kumikilala sa husay ni Dolly De Leon bilang aktres

Dolly De Leon at Sen. Risa Hontiveros (Larawan mula sa IG)

Hindi maitatangging biglang lumutang ang pangalan ng aktres na si Dolly De Leon sa industriya ng showbiz nang kilalanin ang pag-arte niya sa ibang bansa, sa pamamagitan ng iba’t ibang nominasyon, dahil sa pelikulang “Triangle of Sadness.”

Ayon sa ulat ng Balita Online, nasungkit ni De Leon ang “Best Actress In A Supporting Role” sa 58th Guldbagge Awards sa Sweden noong Enero 10. Sinasabing ito ang katumbas ng Film Academy Awards o Oscars sa naturang bansa.

Ilang araw lamang, nagwagi rin siya sa parehong kategorya para naman sa LA Film Critics Association Awards noong Enero 14.

Makasaysayan naman ang kaniyang nominasyon sa 80th Golden Globe Awards sa Los Angeles, United States dahil siya ang kauna-unahang Pinay na aktres na na-nominate dito, subalit hindi siya pinalad na makuha ang parangal dahil nasungkit ito ni Angela Bassett ng “Black Panther: Wakanda Forever.”

Marami naman ang nagtataka kung bakit inisnab si Dolly sa Oscars gayong napansin na ito ng iba’t ibang award-giving bodies.

Anyway, sa kaniyang Facebook post ngayong Pebrero 1 ay masayang-masaya na ibinahagi ni Senadora Risa Hontiveros ang kopya ng inihain niyang resolusyon upang kilalanin at papurihan ang karangalang dinala ni Dolly sa ibang bansa, bilang isang Filipina artist.

“Nakakaproud maging Pinoy! 🇵🇭✊🏼,” ayon sa Facebook post ng senadora.

“Dolly’s nominations show that Filipino stories, experiences, and talent have a place in the halls of prestigious award-giving bodies.”

“What a joy to witness the world fall in love with a Filipino actor,” dagdag pa ni Hontiveros.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

“Wow congratulations Miss Dolly de Leon & all OFW for your tireless service for our country & the countries overseas . You all deserve a commendation, salute to all of you.”

”Makataong pagpapahalaga, good job senator!”

”Deserve na deserve! Imagine, kahit hindi siya ganoon kasikat sa Pilipinas, dinaig pa niya yung ibang mga aktor at aktres.”

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Dolly tungkol dito.