
Isa sa mga kinikilala at tinitingalang komedyante sa industriya ng showbiz ay si Marietta Subong o mas kilala bilang “Pokwang.”
Simula nang manalo sa isang comedy contest sa ABS-CBN, mamayagpag bilang komedyante at artista, hanggang sa lumipat at subukin ang kaniyang kapalaran sa GMA Network ay talaga namang kinagigiliwan siya, dahil na rin sa pagiging mabuting ina sa kaniyang mga anak.
Kahit na may mga pansariling pagsubok at hamong pinagdaraanan ay nagagawa pa rin nitong ngumiti at magpasaya ng ibang mga tao at kasamahan sa trabaho.
Noong 2022 ay marami ang nagulat nang aminin ni Pokwang na hiwalay na sila ng partner na si American actor Lee O’Brian na nakilala at nakasama niya sa pelikulang “Edsa Woolworth.”
Bagama’t hindi niya idinetalye ang puno’t dulo, kamakailan lamang ay unti-unti na niya itong nailalahad at naibubunyag sa publiko dahil sa balli-balitang may iba na raw babaeng “nilalandi” ang ex-partner at ama ni Malia.
Inilarawan ni Pokwang ang naturang babae bilang “mas pangit pa sa kaniya.”
Sa ulat naman ng Fashion Pulis, ibinahagi pa ni Pokwang ang tila pagtungo raw niya sa isang abogado. Hindi naman nito idinetalye kung bakit at para saan. Hula ng marami, baka may kinalaman ito sa magiging “custody” ng anak nilang si Malia.
Sa isa pang ulat, isang basher ang binakbakan ni Pokwang matapos magkomentong baka raw kaya siya iniwan ni O’Brian ay dahil “talakera” siya.
Sey ni Pokwang, hindi totoong siya ang iniwanan ng ex-partner kundi siya ang nagpalayas dito mula sa kaniyang pamamahay.
“Nagising lang ako sa katotohanan na anim na taon ko na pala siyang palamunin at limang taon walang child support!” pagbubunyag ng komedyante.
“And FYI, hindi ako iniwan… Tanungin mo siya bakit ko siya pinalayas!!! Tanungin mo now na!” dagdag pa nito.
Nagbanta pa ang komedyante na puwede niyang idamay sa asunto ang naturang “marites” kung hindi ito titigil.
Ang latest naman, tila may “note to self” si Pokwang para sa kaniyang sarili na mababasa sa kaniyang Instagram post.
“Bangon nanay ka at marami ka pang labada… labada para sa ikauunlad ng pamilya #laban,” aniya.
Panalo ang litratong kalakip nito na may text caption na “Wipe your tears and kick their asses!!”
Bumuhos naman ang moral support ng netizens para kay Pokwang para sa labang kaniyang pinagdaraanan.
You must be logged in to post a comment.