
Bago tuluyang matapos ang 2022 ay pumutok ang balita tungkol sa hiwalayan nina Kapuso comedy star Marietta Subong a.k.a. “Pokwang” at partner na si American actor Lee O’Brian na ikinagulat ng marami.
Nang unang matanong si Pokwang tungkol dito, sinabi niyang walang kinalaman sa pera, walang sangkot na third party, at mabuting tao ang ama ng anak na si Malia.
Ngunit habang tumatagal at dumarami ang umiintriga sa tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay, unti-unting napagtatagni-tagni ng mga netizens ang tunay na rason, ayon na rin mismo sa diretsahang pagsagot ni Pokwang sa kaniyang bashers.
Huli na nga rito ang pagsagot niya sa isang netizen na nagsabing kaya raw siguro siya hiniwalayan ni Lee ay dahil “talakera” siya, na naiulat din ng DF News.
Basahin: Pokwang, may ‘palabang’ paalala sa sarili, sa iba pang mga nanay
Diretsahan at walang prenong sinabi ni Pokwang na hindi siya hiniwalayan nito kundi siya mismo ang nagpalayas dito, dahil napagtanto na raw niyang mahabang taon na niya itong palamunin.
Bukod pa rito, wala rin umanong “child support” ang ex-partner sa kanilang anak na si Malia.
Kaya sa pinakahuling cryptic Instagram post, sinabi ni Pokwang na lalaban siya sa buhay dahil marami pa siyang “labada” bilang nanay.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” diretsahang tinanong ni Tito Boy si Pokwang kung bakit ito nagsinungaling noong tinanong siya kung bakit sila naghiwalay ni Lee.
Aniya, kailangan lamang din niyang protektahan ang ilang mga bagay-bagay. Nagsimula umano ang kanilang problema sa gourmet/food business nilang “PokLee” (na wala na rin ngayon).
Naniniwala si Pokie na bilang business partner, karapatan niyang mabigyan ng update tungkol sa takbo ng kanilang negosyo. Tila hindi raw ito nagustuhan ni Lee. Pakiramdam daw nito ay tila wala siyang tiwala pagdating sa pera. Dito na naging emosyonal si Pokwang.
“Parang ang dating sa kaniya, hinuhusgahan ko na siya agad…” naiiyak na sabi ni Pokwang. “Tinanggalan niya ako ng karapatan na malaman…”
Ang kanilang negosyo naman daw ay para sa kinabukasan ng kanilang anak na si Malia, lalo’t ang mga artista raw na gaya niya ay hindi naman daw laging may proyekto, hindi laging sikat, at hindi laging may spotlight.
Bilang isang ina, umaasa pa umano si Pokwang na magkakaayos pa sila ni Lee. Aminado ang komedyante na mahal pa niya si Lee kaya nagawa niyang magsinungaling at pagtakpan ito.
Ilang signs na raw ang ibinigay ni Pokwang sa ex-partner upang ipahatid sa kaalaman nitong handa pa siyang makipagbalikan at magpatawad upang maayos ang lahat para sa kanilang anak.
Bago pa man daw ang komprontasyon dahil sa negosyo, inamin ni Pokwang na hindi na sila nag-uusap ni Lee. Parang pakiramdam daw niya ay nawala na ang respeto sa kanilang relasyon. Dumating pa raw sa puntong hindi sila nagkikibuan kapag nagkakasalubong sa hagdanan sa loob ng kanilang tahanan.
Kaya raw nasasaktan si Pokwang ay dahil tila nasayang daw ang pakikipaglaban niya para kay Lee noon. Marami raw kasing kontra dito para sa kaniya, magmula sa kaniyang mga kapamilya, kaibigan, at supporters.
“Sayang lahat… sayang lahat ng mga pagtatakip ko, sayang lahat ng paglaban ko para sa iyo, nawala yung ibang mga kaibigan ko… nag-aaway kami ng mga kamag-anak ko dahil sa pagtatanggol sa kaniya, ang hinihingi ko lang naman eh mabuo tayo ulit…” lumuluhang sabi ni Pokwang.
Sa panayam ay pinagdiinan din ni Pokwang na siya ang nagpaalis kay Lee sa bahay.
Pakiramdam din ni Pokwang, hindi siya talaga minahal ni Lee, kundi napilitan na lamang dahil nabuo na nila si Malia.
Idinetalye rin ni Pokwang na mismong si Malia ang nakakita na may ibang babaeng kausap na ang kaniyang ama.
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Pokwang para kay Lee O’Brian.
“Minahal kita. Lumaban ako para sa anak natin… lahat ng mga pambabato sa akin, lahat sinasalo ko para sa anak natin. Hindi ko nakita ‘yon sa’yo, hindi ko naramdaman sa’yo… ”
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Lee O’Brian tungkol sa isyung ito.
You must be logged in to post a comment.