
Dalawa sa mga tinitingala pagdating sa mga showbiz tsika ay sina “King of Talk” Boy Abunda at talent manager/showbiz columnist Ogie Diaz na talaga namang sinusubaybayan hindi lamang ng mga “marites,” kundi maging ng iba pang showbiz reporters at insiders na nangangalap ng scoop para may maisulat na showbiz news.
Matapos ang halos dalawang taon, muling nagbabalik-telebisyon ang King of Talk matapos nitong lisanin ang ABS-CBN at bumalik sa home network nitong GMA Network.
Noong Enero, nagsimula na nga ang pag-ere ng “Fast Talk with Boy Abunda” kung saan, unang linggo pa lamang ay talagang may mga pasabog na. Naging guests niya rito ang mga pinakatinitingalang Kapuso stars gaya nina Marian Rivera, Alden Richards, Paolo Contis, at Bea Alonzo.
Bago naman natapos ang Enero ay naging guest niya ang batikang aktres na si Dina Bonnevie. Dito ay diretsahang pinangalanan ni Dina kung sino ang co-star na “tinalakan” niya noon sa isang teleserye dahil lagi raw itong late, at “unprofessional.” Naiulat din dito sa Definitely Filipino na ito ay walang iba kundi si Alex Gonzaga, na tumugma naman sa mga espekulasyon ng mga netizens.
At dahil matunog nga ang pangalan ni Tito Boy ngayon, isang journalist na nagngangalang “Philip Lustre, Jr.” ang nag-tweet na puwedeng-puwede raw tapatan ni Ogie Diaz ang King of Talk pagdating sa pagho-host at pag-iinterview sa isang talk show.
Agad naman itong nakarating sa kaalaman ni Ogie, ayon sa ulat ng Balita Online. Niretweet niya ito at saka kinomentuhan.
Aniya, kahit matagal na raw siyang hindi kumakain ng kanin, marami pa raw siyang “kakaining bigas” pagdating sa larangang ito. Tinitingala raw ni Ogie si Tito Boy pagdating sa pamamalakad ng isang talk show.
”Nako po sir, kahit mahina na po ako sa kanin, marami pa po akong isasaing na bigas para maging siya,” reaksiyon ni Ogie.
“Tinitingala ko po si Kuya Boy. Pero salamat pa rin po sa papuri,” dagdag pa ni Ogie.
Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Tito Boy kaugnay nito.
You must be logged in to post a comment.