Netizen hinahanap ang nanay na nakahulog ng P120 para sa mga anak

Nagbabakasakali ang isang netizen na mahanap sa tulong ng social media ang inang nagmamay-ari ng napulot niyang pera kalakip ang mensahe para sa kaniyang mga anak.

Kuwento ng netizen na si Ghie Tabinas-Consuelo sa isang Facebook post, napulot niya ang P120 na nakabalot sa isang papel kung saan may note din ang ina para sa kaniyang mga anak. “I love mga anak ko. Paghati-hatian ninyo ‘to. Love, Mama,” saad dito.

Sabi ni Ghie, nakasulat din sa papel ang mga pangalan ng anak ng may-ari nito. “YUNG MESSAGE NG MOTHER. Napulot ko po along service road ng Quezon Avenue. Nakabalot yang 120 sa papel, nakatupi nang maliit. Baka sakaling andito yung nanay na nakahulog. Para yan sa mga anak niya. With names pa po and amount list on each name,” aniya.

Sinubukan niya raw maghintay kung may babalik upang hanapin ang pera ngunit lumipas ang ilang minuto ay walang lumapit sa kaniya kaya ibinahagi niya na lang ito sa Facebook.

“Wala pa pong mga dumadaan nung mapulot ko po yan along the area kahit nag antay pa po ako kung may babalik or maghahanap for about 20 minutes,” sabi pa ni Ghie.

“Mi, baka dumaan to sa news feed mo, message lang po kung ikaw ang may ari nito. Pakisend lang yung mga names ng anak mo na isinulat mo po sa papel para maibalik ko po kaagad. Alam kong pinaghirapan mo to kahit maliit na halaga,” panawagan niya.

Relate din ang isang netizen na nag-iiwan din ng pera at mensahe sa mga anak tuwing aalis siya upang magtrabaho.

“Parang ako nung kailangan ko laging iwan mga anak ko para magtrabaho. Magbibigay ng P20 kalakip ang isang papel na punong-puno ng mga habilin,” aniya.

Komento naman ng ilang mga kapwa nanay, sana ay maibalik ang pera dahil alam nilang malaking bagay iyon para sa mga anak ng nakalaglag nito.

Mensahe naman ng ilan, “Meron na po ba nag message about this post? Dagdagan ko po sana if yung kukuha is yung mother mismo 🙏

Wow! Madadagdagan pa pala! Bless you po.