MTRCB nilinaw ang ‘rating’ daw na ibinigay sa ‘MPL’ music video ni Toni Fowler

Itinanggi ng Movie and Television Review and Classification Board (MRTCB) na binigyan nila ng rating ang kontrobersiyal at ngayon ay pinag-uusapang music video ng ‘MPL’ kung saan tampok ang social media influencer na si Toni Fowler.

Nag-trending ang naturang music video dahil maraming netizens ang nagulat (at na-shock), hindi makapaniwala at umalma sa diumano’y ‘bastos’ at ‘malaswang’ nilalaman nito na hindi angkop sa kabataan at menor de edad.

Mapapanood kasi ang video sa You Tube na bagama’t may babala ay maaaring dayain kaya posible itong makita pa rin ng mga bata.

Sa isang panayam naman, sinabi ni Papi Galang, ang kapwa-influencer at malapit na kaibigan ni Toni na mapapanood din sa ‘MPL’, na SPG ang rating ng kanilang video.

“Marami ang bumatikos samin sa bagong kanta ni mommy Toni Fowler na MPL. Dahil bukod sa rated SPG yung kanta at MV nya ay marami din nag alala sa lagay ko. Sa mga ‘di pa nakakaalam buntis po ako ngayon,” ani Papi sa panayam ng Bandera.

Dahil dito nilinaw ng MTRCB na wala silang ibinibigay na rating sa kontrobersiyal na music video.

“In an online article published by Bandera, one of the personalities that appeared therein, Ms. Papi Galang, was quoted alleging that the song ‘MPL’ and its music video was rated as STRONG PARENTAL GUIDANCE (SPG),” ayon sa pahayag ng MTRCB.

“The MTRCB wishes to inform the public that MPL did not undergo MTRCB review and classification, hence, it was not given any rating by the Board,” wika pa ng ahensiya.

Dagdag pa nito, kung sakali mang dumaan ang video sa kanila ay maaari nila itong bigyan ng ‘X’ na rating o “Not for Public Exhibition”.

Pinaalahanan din ng MTRCB si Galang na maging maingat sa paglalabas ng payahag upang ‘di makapagdulot ng kalituhan sa publiko.

“We appeal to Ms. Galang, to be circumspect in her statements, and for news organizations such as Bandera to practice responsible journalism by fact-checking their reports before publication, as the public may be led to believe that the MTRCB had given its highest allowable rating for airing content on television to the said material,” ayon sa board.

Samantala, tila hindi naman apektado si Toni Fowler sa kabila ng natatanggap na kaliwa’t-kanang pambabatikos at negatibong reaksiyon ng mga netizens dahil sa kaniyang video.

Giit pa nito, “Pag ayaw nyo wag nyo panoorin, napakasimple”.