
Trending worldwide sa Twitter ang aktres na si Miles Ocampo noong Lunes, matapos kagiliwan ng mga manonood ang kakaibang acting skills nito sa pilot episode ng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Sa primetime debut ng programa ng ABS-CBN, ginampanan ni Miles ang batang si Marites (na kalaunan ay ginampanan ni Cherry Pie Picache), na pinagsamantalahan ni Ramon ang tatay ni Tanggol (Coco Martin).
Matapos ang panghahalay ay nabuntis si Marites, at doon naging malamig ang relasyon nila ni Rigor (Ejay Falcon). Pinag-iisipan niya ang pagpapalaglag, ngunit pinigilan ito ng kanyang ina na si Tindeng (Lara Quigaman) para ituloy ang pagdadalantao.
Sa wet market, kung saan siya nagbebenta ng isda, ay isinilang ni Marites ang batang lalaki na si Tanggol (na gagampanan ni Coco Martin).
Iniwan niya ang bata dahil sa trauma na sinapit niya kay Ramon ngunit napagtantong mahal niya ito kaya’t binalikan ang bata.
Gayunpaman, nang tangkaing kidnapin ng misteryosong babae na si Olga (Ryza Cenon) ang bata, agad namang binalikan ni Marites at binawi ang kanyang bagong silang na anak.
Sa mabibigat na tagpo at emosyonal na eksena ni Miles, naging top trending topic ang kanyang pangalan sa Twitter sa Pilipinas.
Kaya naman bumuhos ang papuri ng mga netizen sa aktres at hangad ng Kapamilya fans na sana raw, huwag nang pakawalan ng ABS-CBN si Miles at bigyan pa ito ng iba pang challenging roles dahil kayang-kaya na nito ang mabibigat na eksena.
Samantala, ang pilot episode ng “FPJ’s Batang Quiapo” ay umani ng mahigit 340,000 concurrent viewers sa YouTube at kabilang sa mga top trending topics sa social media noong Lunes.
Sa Kapamilya Online Live, ang libreng livestreaming ng ABS-CBN sa YouTube, ay nakakuha ang serye ng 341,509 concurrent viewers — o ang mga sabay-sabay na nanonood — ayon sa producer na Dreamscape Entertainment.
Nangunguna rin ang hashtag na #FPJsBatangQuiapoDay sa trending topics sa Twitter sa Pilipinas, na may mahigit 10,000 tweets, habang isinusulat ito.
“It’s definitely a good night to be a Kapamilya. ABS-CBN proving once again they reign the primetime!” sabi ng netizen.
“Deserved ang 330K+ live viewers. So proud to see Philippine TV production that mixes mainstream quality and indie sensibility. Coco Martin is an auteur,” dagdag ng isa pang fan.
Ang “FPJ’s Batang Quiapo” ay mapapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, TV5, iWantTFC at TFC.
Narito at panoorin ang pilot episode ng “FPJ’s Batang Quiapo”:
You must be logged in to post a comment.