
Nagtataka ngayon ang maraming netizens matapos burahin ni McCoy De Leon ang lahat ng kaniyang post sa Instagram at nagtira lamang ng isang larawan kasama ang kaniyang mag-ina.
Tila indikasyon ito na parang ‘nagsisimula’ muli ang aktor ilang linggo matapos sumabog ang balita ng hiwalayan nila ng kaniyang partner na si Elisse Joson.
Noong nakaraang linggo lamang ay umugong ang mga usap-usapang nagkabalikan na sina McCoy at Elisse matapos lumabas ang ilang larawang kung saan makikita silang magkasama ni Elisse.
Hindi lamang isang beses kung hindi dalawang pagkakataon na umano’y nakitang magkasama ang dalawa, at isa rito ay kasama nila ang anak na si Felize, kaya maraming netizens ang umaasang sana’y inaayos na nila ang gusot sa kanilang relasyon at magkabalikan na nang tuluyan.
Samantala, nitong Martes, Enero 31, ay napansin ng mga followers ni McCoy na burado na ang mga post niya sa Instagram maliban sa isang black and white na larawan. Dito ay makikita silang magkasama ni Elisse at kalong-kalong niya naman si Felize.
Magugunitang sumabog ang balitang hiwalay na sina McCoy at Elisse noong Disyembre matapos lumabas ang screenshot ng diumano’y naging usapan ng dating Hashtag member at isang babaeng influencer sa Tiktok na iniuugnay sa kaniya.
Lalo pang umigting ang usap-usapan nang maglabas ng public apology ang Kapamilya hunk kasabay ng isang madamdaming mensahe para sa kanilang anak na nagmistulang indikasyon ng kanilang hiwalayan ni Elisse.
Bagama’t hindi na idinetalye ni McCoy kung ano ang naging ugat ng kanilang sigalot, itinanggi naman nitong may babae siya o may third party na sangkot.
Samantala, inaabangan naman ng mga netizens kung ano ang magiging paliwanag ng aktor sa ginawa niyang pagbura sa kaniyang mga Instagram posts.
You must be logged in to post a comment.